UMAABOT na sa 99 porsyento o halos lahat ng local governments sa bansa ay nakapagsumite na ng kanilang plano para sa devolution ng mga pangunahing serbisyo at pasilidad kasunod na rin nang nakatakda nang pag-iral ng Mandanas ruling ngayong taon.
Matatandaang noong taong 2018, pinalawak ng Korte Suprema, sa pamamagitan ng kanilang Mandanas Ruling, ang internal revenue allotment share ng LGUs sa lahat ng national taxes kabilang na ang nakokolekta ng Bureau of Customs (BOC).
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Epimaco Densing III, ang mga local government ay nakatanggap na ngayong taon ng dagdag na 30% hanggang 35% sa national tax allotment.
“As early as last year, we’ve already started directing all our local governments to make a writeup of their devolution transition plan,” pahayag ni Densing sa isang panayam sa telebisyon.
“As of the latest report we’ve received, 99 percent of our local government units down to barangays have already submitted their devolution plan,” aniya pa. “It’s just a matter of reviewing, sitting down and implementing it,” dagdag pa nito.
Umaasa umano ang DILG official na ang paglilipat ng mga basic services at facilities mula sa national government patungo sa LGUs ay makukumpleto sa taong 2025. EVELYN GARCIA