INIHAYAG ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na may kapangyarihan ang mga local government unit (LGU) na magpatupad ng mandatory vaccination laban sa COVID-19.
Ayon kay Año, nais ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) na magpatupad ng mandatory vaccination laban sa COVID-19 ngunit wala naman aniyang batas na sumusuporta sa mandatong ito.
Gayunpaman, sinabi ng kalihim na ang LGUs ay may awtoridad na magpatupad nito.
“Gusto sana natin talagang gawing mandatory ito pero nga wala tayong batas except ‘yung mga local government units, may kapangyarihan sila diyan,” ani Año sa isang panayam nitong Lunes.
Nabatid na nakatakda nang pag-aralan ang posibilidad na gawing mandatory ang pagpapabakuna laban sa COVID-19 sa rehiyon.
Kamakailan ay inaprubahan ng Metro Manila Council (MMC), na binubuo ng 17-alkalde sa National Capital Region (NCR), ang resolusyon sa paglikha ng technical working group (TWG) na mangunguna sa pag-aaral.
Samantala, sinabi pa ni Año na pinag-aaralan na ng IATF ang pagkakaroon ng libre o mas murang COVID-19 tests ngunit wala pa aniyang kasunduan hinggil dito ang mga miyembro ng task force.
“Pinag-uusapan ‘yan sa IATF pati rin ‘yung viability na magbigay din ng mga antigen test kit,” dagdag pa ng kalihim. EVELYN GARCIA