LGUs SA CATANDUANES, INALERTO SA ROCKET LAUNCHING NG CHINA

SINIMULAN na ang koordinasyon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Catanduanes sa mga Local Government Units at iba’t-ibang ahensya sa lalawigan kaugnay sa abiso ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (DRRMC) hinggil sa launching ng Long March 4B rocket ng China.

Ayon kay Camille Andrea Gianan, Information Officer ng PLGU-Catanduanes, sinabi nitong inalerto na ng probinsya ang mga Municipal Disaster Risk Reduction and Management Offices sa lahat ng bayan para sa precautionary measures na gagawin nito.

Gayundin ang ginawa ng DILG-Catanduanes na siyang nag-coordinate sa mga LGU partikular sa bayan ng Bagamanoc na siyang pinakamalapit sa nabanggit na reference point ng drop zone ng debris na sakop ng Panay Island.

Samantala, inihayag naman ni Coastguard Catanduanes Station Commander Kenny Villafuerte na nagpalabas na ang kanilang national headquarters ng “Notice to all Mariners” para sa malalaking international vessels na nagagawi o napapadaan sa nasabing lugar.

Idinagdag pa ni Villafuerte na mayroon aniyang itinaas na ‘No Sailing Policy” para sa mga mangingisda sa Catanduanes.

Gayunpaman ay inaabisuhan pa rin ng PCG ang mga mangingisda na mag-ingat sa kanilang paglalayag at ipinanawagan na sakaling may matagpuang debris ay agad na ireport sa kanila para sa tamang retrieval nito.

Maaari aniya itong maging dahilan ng navigational hazard maliban pa sa toxic substances nito.

RUBEN FUENTES