LIBEL PA VS TULFO

Mon Tulfo

EA ni Dulay: “Hindi pa ako nakarating ng Amerika”

MULING sinampahan ng kasong libel at cyber libel ang kolumnistang si Ramon ‘Mon’ Tulfo sa Quezon City Prosecutor’s Office kaugnay sa serye ng kanyang mga artikulo laban sa Bureau of Internal Revenue (BIR).

Sa reklamong 5 counts ng libel at 7 counts ng cyber libel na isinampa noong Setyembre 6, sinabi ni Adonis ‘Don’ Samson, executive assistant ni BIR Commissioner Caesar Dulay, na lubhang nakasira sa kanyang pangalan at dangal ang mga serye ng kolum laban sa kanya na isinulat ni Tulfo. Idinawit din, aniya, ni Tulfo sina Dulay at BIR assistant commissioner Teresita Angeles.

Lumabas sa pahayagang Manila Times, sa online edition nito at sa social media account ni Tulfo ng makailang beses ang nasabing mga artikulo.

Ang reklamo ay kaugnay sa mga isinulat ni Tulfo hinggil sa isang video recording umano nina Angeles at Samson noong 2017 kung saan lumalabas na nagagalit ang dalawa matapos na hindi mapartihan sa suhol galing sa dalawang malalaking kaso na hawak ng BIR.

Ayon kay Tulfo, ang video ay ginawa habang nasa Amerika sina Angeles at Samson.

Subalit ayon kay Samson, kahit minsan ay hindi pa siya nakarating sa Estados Unidos at bagaman nabigyan siya ng US visa noong 2018, hanggang ngayon ay hindi pa niya ito nagagamit.

“With wanton disregard to journalistic standards of truth and fairness, respondent Tulfo authored the succeeding pieces revolving my alleged involvement if not acquiescence to graft and corruption in the institution I belong as well as insinuations of immoral conduct on my part,” saad pa ni Samson sa kanyang reklamo.

Bago ang nasabing reklamo, sinampahan na rin nina Dulay at Angeles si Tulfo ng mga kasong libel, cyber libel, cyber fraud at incriminatory machination.

At katulad ng dalawang BIR officials, isinama rin ni Samson sa reklamo ang mga opisyal ng Manila Times na sina Dante M. Ang II, president/CEO; Blanca Mercado, COO; Nerilyn Tenorio, publisher-editor; Rene Bas, publisher-emeritus and, editors, Leena Chua, Lynette Luna, Arnold Belleza at ilan pang hindi matukoy na indibidwal.

Aabot naman sa higit P80 milyon ang hinihingi ng mga ito laban kay Tulfo bilang moral at examplary damages at bayad sa abogado. Dapat din umanong maisyuhan ng hold departure order (HDO) si Tulfo dahil isa itong ‘flight risk’.

Bukod sa mga opisyal ng BIR, si Tulfo ay kinasuhan na rin ng libel nina Exective Secretary Salvador Medialdea at dating DOJ Secretary Vitaliano Aguirre.

Comments are closed.