LIBEL VS 3 NETWORK EXECS

GRETCHEN FULLIDO

NAMIMILIGRO ngayon ang trabaho ng tatlong network executive ng ABS-CBN nang matagumpay na maisulong ng TV personality na si Gretchen Fullido ang kasong libelo na kanyang isinampa sa Quezon City Prosecutors’ Office dahil sa paglabag sa Article 135 ng Revise Pe-nal Code.

Sa resolusyong inilabas noong ika-29 ng Abril, nakitaan ni Quezon City Chief Prosecutor Vimar Barcellano ng probable cause ang habla laban kina Cecilia Oreña Drilon, Marie Milagros Lozano at Venancio Borromeo nang ang mga ito ay nagbigay ng mga pahayag sa internal investigation na isina-gawa ng network sa reklamong sexual harassment ni Fullido laban sa dalawang iba pang mga opisyal ng network na sina Cheryl Favila at ang news segment producer na si Maricar Asprec.

Sa kanyang complaint sa huling bahagi ng 2018, sinabi ni Fullido na pinadalhan siya ni Favila at Asprec ng mga hindi kaaya-ayang text message na puno ng “sexual innuendos” at humihiling ng seksuwal na pabor.

Sa kaso ni Drilon, sinabi umano nito sa kanyang affidavit na kanyang nasaksihan kung paano tinawanan lamang ni Fullido ang mga kumento ng mga lalaking anchor ng TV Patrol hinggil sa kanyang “katawan, pananamit at pag-uugali” na sa tingin umano ni Drilon ay sapat nang tawaging “sexual harassment” samantalang hindi ito nag-atubiling magsampa ng harassment laban kay Favila at Asprec.

Sinabi rin ni Drilon sa kanyang sinumpaang salaysay na narinig nito si Fullido nang sabihin nito na siya “ay payag magsuot ng bikini sa inflatable pool na puno ng bula sa TV Patrol iangat lamang ang ratings nito (was willing to wear a bikini with an inflatable pool and bubbles on TV Patrol to shore up its ratings).”

Ayon sa piskalya, ang mga binitawang salita ni Drilon ay malisyoso at may masamang hangarin.

Ayon sa resolusyon ng piskalya, “agad nagpalagay o naghinuha si Drilon na hindi pinapansin ni Fullido ang mga ganoong gawi, bagkus tinatanggap pa nito ang mga panga­ngantyaw sa kanya (jumped into a conclusion or assumption that Complainant could easily ignore such unpleasant acts, as if she welcomed the same).”

Ganoon din ang naging konklusyon ng piskalya sa mga sinumpaang salaysay ni Lozano at Borromeo.

Ayon sa dalawang network executive, ang pagsampa ni Fullido ng reklamong harassment sa kanila ay isang paraan ng “blackmail” dahil alam nito na marami ang maaaring pumalit sa kanya lalong-lalo na dahil wala naman umano itong ginawang de-kalidad na trabaho. Gusto umano nitong manatili sa Star Patrol sa gitna ng mga “usap-usapan na panahon na itong mapalitan (rumors were spreading that the time has come for her to be replaced).”

Dahil kinakitaan ng probable cause para sa kasong libelo, inirekomenda ng QC Chief Prose­cutor ang agarang pagsampa ng kaso laban sa tatlong network personality sa hukuman.

Kapag naihabla na ang nasabing kasong kriminal laban kina Drilon, Lozano at Borromeo, namumurong maglabas ng warrant of arrest laban sa  mga ito.

Comments are closed.