LIBO-LIBONG NFA EMPLOYEES MAWAWALAN NG KAYOD

NFA-5

KUMPIRMADO  na ang pagkawala ng trabaho ng libo-libong manggagawa ng National Food Authority (NFA) bunsod ng Rice Ta­riffication Law sa bansa.

Ayon kay NFA Admi­nistrator Tomas Escarez, nililimitahan  ng batas ang papel ng NFA sa pagbili ng bigas na iiimbak para sa panahon ng kalamidad.

Sinabi ni Escarez na magkakaroon ng restructuring at mawawala na ang mga departamentong nangangasiwa sa regulasyon ng pagbebenta ng bigas tulad ng pagbibigay ng lisensiya sa mga rice retailer ganoon din ang mga nasa quality control.

Nagpahayag ng pag-asa si Escarez na mabibigyan ng magandang compensation package ang mga mawawalan ng trabaho sa NFA dahil marami sa mga ito ay nasa dalawa hanggang tatlong dekada na sa serbisyo.

Sa datos ng Coalition of Farmers’ Organizations, Unions, Retailers, and Rice Millers, nasa  20,000 retailer o tagabenta ng NFA rice at nasa mahigit 100,000 mga trabahador sa mga rice mill, retailer, at nasa 10 milyong Pinoy ang umaasa sa NFA rice.

Kaugnay nito ay nakatakdang  bumalangkas ang NFA ng restructuring plan para madetermina kung aling mga tanggapan ang mananatili at kung alin ang kailangang baguhin.

Sinabi ni Finance Asec. Tony Lambino na sa implementasyon ng nasabing batas, mawawala na sa NFA ang kapangyarihan para sa pag-isyu ng im-port clearance ng bigas at maging ang pag-angkat nito sa ibang bansa

Subalit mananatili naman ang trabaho ng ahensiya sa pagmantine ng buffer stock sa pangangailangan ng pamahalaan, lalo na sa panahon ng kalami-dad.

Nabatid na mayroong 30 araw ang NFA para mapag-aralan at maipatupad ang kanilang restructuring plan.  BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.