INIULAT kahapon ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) na tatlo ang naitalang nasawi habang lima ang sugatan dahil sa nararanasang matinding pag-ulan at malakas na hanging dulot ng habagat na pinalala ng Bagyong Fabian.
Ayon kay NDRRMC spokesperson Mark Timbal, isa 39 anyos na babae ang namatay matapos tamaan ng bumagsak na punong-kahoy ang sinasakayan nitong kotse mula Camp 8, Kennon Road, Baguio, sa Benguet nitong nakaraang linggo.
Habang dalawa ang natamaan ng kidlat isang 35- anyos na magsasaka mula Tartarabang Pinili, Ilocos Norte at isang 15-anyos na mag aaral mula rin sa nasabing lugar
Habang tatlo pa nilang kasama na isang 41 taong gulang na magsasaka, 37 taong gulang na lalaki at isang 17 anyos na binatilyo ng nasabi ring lugar ang nasaktan sa paghagupit ng kidlat,
Dalawa rin ang nasaktan sa pagbagsak ng puno sa Camp 8, Kennon Road Baguiona kinabibilangan ng isang 63-anyos na lalaki at isang 29 taong gulang na lalaki.
Dagdag pa ni Timbal, sumampa na sa 44,563 individuals ang inilikas at kasalukuyang tumutuloy sa 81 evacuation centers nationwide dahil pa rin sa southwest monsoon.
Dahil dito, pinag-iingat ng NDRRMC ang publiko dahil kahit wala na ang Bagyong Fabian sa Norte ay magdudulot pa rin ng pag-ulan ang habagat.
Nabatid na ilan sa mga siyudad sa Metro Manila ay binaha dahil sa patuloy na pag-ulan.
Sa lalawigan ng Cavite may 23 bahay ang nawasak sa bayan ng Tanza habang inalerto naman ang mga residente sa General Trias na naninirahan malapit sa Prinza dam matapos na umakyat sa critical level ang taas ng tubig.
Sa inilabas na lates bulletin ng PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration) kahapon na bunsod ng patuloy na pag iral ng habagat, ang Metro Manila, Ilocos Region, Abra, Benguet, Zambales, Bataan, Pampanga, Bulacan, Cavite, Batangas, Occidental Mindoro, at Calamian Islands ay makakaranas pa rin ng monsoon rains.
Makakaranas naman ng maulap na panahon na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms, ang Cagayan Valley, Antique, at nalalabing bahagi ng Cordillera Administrative Region, Central Luzon, Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon, at Mindoro-Marinduque-Romblon-Palawan.
Habang ang ibang lugar sa bansa ay magkakaroon ng bahagyan hanggang maulap na panahon na may kalat-kalat ng pag-ulan at thunderstorms.
Pinaalalahanan din ng PAGASA na posibleng magkaroon ng flash floods o landslides sa mga nabanggit na lugar dahil sa habagat. VERLIN RUIZ
Comments are closed.