MAHIGIT 21,000 trabahong lokal at sa ibang bansa ang paunang iaalok ng labor department sa online job fair na magsisimula ngayong linggo.
Ilulunsad ang Balik-trabaho e-jobs at ang online jobs fair ng Bureau of Local Employment (BLE) at ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), kasama ang partner agencies kasabay ng paggunita sa ika-87 anibersaryo ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa ngayong araw, Disyembre 8.
Sa muling pagbangon ng ekonomiya ng Filipinas at sa muling pagbubukas ng ilang bansa sa kanilang ekonomiya, inanyayahan ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang mga naghahanap ng trabaho na samantalahin ang online job fair, na nag-aalok ng iba’t ibang trabahong lokal at sa ibang bansa mula sa 600 domestic companies at 15 licensed recruitment agency.
Sinabi ni Bello na magsasagawa ang labor department ng virtual job fair system bilang pagtalima sa pagbabawal ng pamahalaan sa mass gathering.
Ang pagsasagawa ng e-jobs para sa local placement ay sa pakikipagtulungan ng digital portal Mynimo.com at ng Public Employment Service Offices (PESO).
Magkakaroon din ng career talk kasama ang mga employer at industry leader na naglalayong tulungan ang mga naghahanap ng trabaho na makakita ng natatanging bakanteng trabaho, at bigyan sila ng mas malawak na pang-unawa ukol sa kultura ng bawat kompanya.
Para sa trabaho sa ibang bansa, ang mga bakante ay para sa factory worker, nurse, nursing aide, at care worker.
May bakante rin para sa mga engineer, CAD operator, telecommunications rigging technician, maintenance technician, carpenter, foreman, laborers, at building cleaning worker.
May alok ding trabaho para sa supervisor, physical fitness coach, cake decorator, cook, food server, restaurant worker, waiter, waitress, counter service staff, at service staff.
Ang mga destinasyong bansa ay Singapore, Taiwan, Japan, Germany, New Zealand, Kingdom of Saudi Arabia, Qatar, Myanmar, Jordan, Ivory Coast, Lebanon, Ghana, Micronesia, Turks at Caicos, Palau, Falkland Island, at Bahrain.
Kabilang sa mga kasaling ahensiya ang Eye Quest International Manpower Services, Inc., Grand Placement General Services Corp., HRD Employment Consultants and Multi-Services Inc., Mabuhay Personnel & Management Services Inc., Power Horizon Int’l. Resources Inc., Rock Solid Manpower Network & Consultancy, Inc., Ruru Global Recruitment Services, Inc., Blue Orion Recruitment Services Corp., at September Star, Inc. PAUL ROLDAN
Comments are closed.