LIBONG ESTUDYANTE APEKTADO SA BUDGET CUT

Win Gatchalian

NABABAHALA si Senador Win Gatcha­lian sa may 60,000 mag-aaral ang posibleng maapektuhan sa mahigit  P8.4 bilyong kaltas sa budget ng Department of Education (DepEd)  kasunod ng paglikom ng pamahalaan ng dagdag na pondo laban sa COVID-19.

Aniya, ang nasabing bilang ng maaapektuhang mag-aaral ay mga benepisyaryo ng Senior High School Voucher Program (SHSVP) na kinaltasan ng higit P1.4 bilyong pondo.

Tinukoy ni Gatcha­lian, ang kinaltas na pondo ng Department of Budget and Management (DBM) sa DepEd ay maaaring makadagdag sa bilang ng mga dropout.

Nagbibigay ng tulong pinansyal ang SHSVP sa mga kwalipikado ngunit nangangailangang mga mag-aaral upang maka-pasok sila sa mga pribadong paaralan, state at local universities and colleges (SUCs at LUCs), at mga technical and vocational institutions.

Kabilang din sa mga apektadong programa ang school-based feeding program na kinaltasan ng P500 milyon, P107 mil­yon naman para sa Special Education Program para sa mga kabataang may kapansanan gayundin ang pag-realign sa mahigit  P102 milyong pondo para sa Computerization Prog­ram na maaari sanang magamit sa pagpapatupad ng Learning Continuity Plan (LCP)  lalo na ngayong darating na pasukan.

“Nung nakita ko itong mga kaltas na ito, ang u­nang pumapasok sa isip ko yung mga marginalized dahil sila yung tatamaan dito kaagad at sila yung gusto nating matulungan,” giit ni Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Sa pagdinig sa Senado, ibinahagi ni DepEd Undersecretary for Finance Annalyn Sevilla na sumulat  ang ahensiya sa DBM upang huwag nang galawin ang natitirang pondo ng DepEd dahil gagamitin na ang na­lalabing pondo sa pagpapatupad ng LCP.

Ayon kay Gatchalian, kailangang patatagin ang sistema ng edukasyon sa pagpasok sa new normal na kung saan, sa kanyang panukalang Senate Bill No. 1565 o ang Education in the New Normal Act, iminungkahi nito ang pagkakaroon ng sapat at angkop na mga prog­rama at serbisyo para sa mga nanangangailangang mag-aaral, kabilang ang mga mag-aaral na may kapansanan.

Gayundin, isinusulong din ni Gatchalian sa panukalang batas ang digital transformation ng DepEd upang mapabilis ang pagbibigay ng serbisyo at mabigyang suporta ang pagpapatupad ng distance learning.  VICKY CERVALES

Comments are closed.