NAKATAKDANG lumusob ngayong unang araw ng Oktubre ang tinatayang 4,000 dismayadong magsasaka upang mag-rally bunsod ng makupad na pamamahagi ng lupa sa mga magbubukid sa tapat ng tanggapan ng Department of Agrarian Reform (DAR).
Lalahukan ng mga magsasaka mula pa sa Negros Occidental kasabay ng kanilang nakatakdang MassKara Festival’s para kondenahin ang mabagal na pamamahagi ng lupa ng DAR sa mga magsasaka.
Ayon kay Lanie Factor, national deputy coordinator ng Task Force Mapalad (TFM), isang samahan ng mga magsasaka sa Negros, na nalulungkot siya na sa kabila ng pagmamalaki ni Pangulong Duterte sa programa ng kanyang administrasyon hinggil sa libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka ay mabagal ang aksiyon ng DAR at bigo ang administrasyon.
Pahayag pa nito na isasabay nila ang kanilang kilos protesta sa selebrasyon ng MassKara Festival’s ngayon araw sa Negros para batikusin ang animo’y usad pagong na programa ng DAR sa buong CARP history nito.
Ayon pa sa lider ng TFM ang kilos protesta ay lalahukan ng mga magsasaka mula rin sa Negros-Panay Chapter ng national peasant federation Task Force Mapalad upang ipaalala ang pangako ni Pangulong Duterte para sa pamamahagi ng may 521,000 ektaryang lupang agricultural land-holding sa buong bansa.
Idinagdag pa ni Factor na 20 porsiyento lamang umano ng lupa na dapat na ipamahagi ng DAR ay mula sa Negros Occidental ang naisasakatuparan.
Dagdag pa ng grupo na sa kasalukuyan ang naipapamahagi pa lamang ng DAR sa mga CARP beneficiaries ay tinatayang aabot sa 30,000 ektarya pa lamang sa taong 2016 hanggang 2018 pinakamababa sa naabot ng DAR na accomplishment ng anim (6) na administrasyon para sa mandato sa pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka.
“Ngayon MassKara Festival Oktubre 1, binabatikos namin ang mabagal na proseso ng DAR dahil ano ang sinasabi nilang kasaganaan na makukuha naming ngayon marami sa mga magsasaka ay wala pa rin lupa” wika pa ni Factor.
Nauna rito kinalampag ng militanteng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang P45 bilyon budget ng DAR dahil sa umano’y napaka-laking budget nito sa taong 2020 habang naghihirap ang maraming magsasaka na siyang nagtatanim ng palay na pinaglilingkuran nito. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.