“WE can move thousands of soldiers!”
Ito ang inihayag ni Commanding General Philippine Army Lt. General Roy Galido hinggil sa posibleng role ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kaugnay sa ginagawang paghahanda para sa nalalapit na May 2025 Midterm Polls at BARMM Election.
Ayon kay Galido, kaya mag-move ng libong sundalo para tulungan ang Philippine National Police na matiyak na magiging maayos, at payapa ang gaganaping midterm poll at partikular sa kauna-unahang Bangsamoro Autonomous Region for Muslim Mindanao parliamentary election .
Nilinaw ng pamunuan ng Hukbong Katihan na support lamang ang role nila at PNP pa rin ang lead agency na siyang mangangalaga sa kaayusan, ng gaganaping halalan,
Magugunitang nanawagan ang Commission on Election sa AFP at PNP na tiyaking magiging credible , honest, orderly and peaceful at gaganaping 2025 election.
Ilang buwan bago ang gaganaping midterm poll ay hinimok ni COMELEC Chairman George Garcia ang Department of Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) na lansagin ang private armed groups (PAGs) sa bansa bago ang 2025 National, Local and BARMM elections.
Inatasan ni Garcia ang nasabing mga ahensya para i-neutralize ang mga armadong goons na ginagamit umano ng ilang indibidwal para takutin at ibagsak ang desisyon ng publiko.
Binigyang-diin ng Comelec chairman ang kahalagahan ng pagtanggal sa mga grupong ito upang matiyak ang mapayapa at makatotohanang eleksyon.
Inihayag pa ni Garcia na hindi mapapanatili ang katahimikan at maayos ang halalan kung mayroong private armies na ginagamit ng ilang pulitiko para maghasik ng takot at kaguluhan para baliktarin ang desisyon at mandato ng sambayanan.
Ang panawagang ito ay bunsod ng pananambang sa sasakyan ni Sulu Provincial Election Supervisor Julie Vidzfar sa Zamboanga City noong Sabado.
VERLIN RUIZ