PUMATOK sa takilya ang unang binuksang drive-thru testing center ng lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila sa Andres Bonifacio Monument dahil sa rami ng pumilang mga motorista kaya inihahanda naman ang Quirino Grandstand bilang bagong site ng testing center para sa mga may dalang sasakyan.
Ayon kay Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso, nabigyan na sila ng pahintulot ni National Parks Development Committee (NPDC) executive director Cecille Lorenzana-Romero sa kaniyang proposal na magtayo ng bagong testing site sa Quirino grandstand.
Ginawa ang hakbang ni Domagoso makaraang magdulot ng matinding pagsisikip ng trapiko dahil sa mahabang pila ng mga sasakyan patungo sa COVID-19 drive thru testing site sa Andres Bonifacio Monument na katabi lamang ng Manila City Hall.
“Pipilitin namin lagi magbuti, to be better, we will continue to listen to you. We will continue to adapt sensible suggestions,” ayon pa sa alkalde.
Sabi pa nito, kaya nang mag-test ng 700 sa drive-thru sa grandstand kung saan mapaghihiwalay aniya ang apat na gulong, tatlong gulong, dalawang gulong, motorized at non-motorized.
Noong Hulyo 15 nang ilunsad ang drive-thru testing center sa Andres Bonifacio monument kung saan bukas mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng Lunes hanggang Biyernes.
Ito ay libre sa lahat kahit hindi taga-Maynila, kailangan lamang magpakita ng valid ID para sa resulta ng kanilang test na ipadadala sa pamamagitan ng SMS o texts. PAUL ROLDAN
Comments are closed.