MAMAMAHAGI ng libreng antigen home testing kit sa mga residente ang lokal na pamahalaan ng Taguig bilang bahagi sa kanilang monitoring ng COVID-19.
Ito ay napag-alaman sa Taguig City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CEDSU) na siyang magsasagawa ng implementasyon at superbisyon sa pagmomonitor ng mga Lingap Testing coordinators.
Sinabi ng lokal na pamahalaan na ang pangunahing pakay sa pamamahagi ng libreng antigen home testing kit ay tutugon para sa immunocompromised persons, bedridden patients, persons with disabilities (PWDs) pati na rin sa senior citizens na mayroong mobility issues.
Ang libreng antigen home testing ay karagdagan lamang sa libreng reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) tests na isinasagawa sa 35 sites sa lungsod tulad ng health centers, drive-thru testing, at mega swabbing facility.
Base sa Taguig COVID-19 report nitong Enero 29 ay nakapagtala ang lungsod ng 761 aktibong kaso kabilang na dito ang 585 bagong kaso sa kabuuang 59,939 kumpirmadong kaso ng virus kung saan 58,737 sa mga ito ay mga naka-recover na habang 441 naman ang mga namatay.
Kahapon lamang ay innanunsyo ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang paglalagay ng National Capital Region (NCR) sa mas maluwag na Alert Level 2 mula sa Alert Level 3 na magsisimula ng Pebrero 1 at magtatagal ng hanggang Pebrero 15. MARIVIC FERNANDEZ