HALOS 10 milyong mag-aaral sa bansa ang target ng Department of Health (DOH) na mabakunahan ng libre, sa ilalim ng kanilang ipinaiiral na ‘school-based immunization program.’
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, sinimulan nilang ipatupad ang programa nang magbukas ang klase nitong Hunyo.
Aniya, sa ngayon ay nasa 12% hanggang 14% pa lamang sa kabuuang 9,913,032 mag-aaral na kanilang target ang kanilang nababakuhan.
“Yung school-based immunization natin ay ang ating pinupuntirya dito ay higit kumulang 10 million children, at sa ngayon po ang ating coverage ay nasa 12 to 14 percent palang dahil nag-umpisa palang tayo nitong pagbubukas ng mga paaralan nitong June,” anang kalihim.
Kaugnay nito, tiniyak naman ng kalihim na magpupursige at magpupunyagi ang DOH at mga local government units (LGUs) upang maabot ang kanilang target sa lalong madaling panahon na 95 percent coverage.
Kumpiyansa rin siya na wala silang magiging problema dahil ‘captive market’ naman na ito dahil nasa loob na ng eskuwelahan ang mga batang kanilang babakuhanan, at hindi na kinakailangan pang puntahan sa kanilang mga tahanan.
Muli ring nanawagan si Duque sa mga magulang na huwag matakot at payagan ang kanilang mga anak na magpabakuna nang libre upang makaligtas sa karamdaman.
Nitong Martes ng umaga, pinangunahan nina Duque at Manila Mayor Isko Moreno ang pagbabakuna sa mahigit 50-estudyante ng Ramon Magsaysay High School sa Sampaloc, Manila laban sa tigdas at diphtheria.
Tiniyak naman ng pamunuan ng Ramon Magsaysay High School na ang mga estudyante na kanilang pinabakuhan ang may permiso ng mga magulang o guardians ng mga bata. ANA ROSARIO HERNANDEZ