NASA 300 kababaihan na mayroong mga kapansanan ang tumanggap ng libreng beauty treatment sa isang medical mission na isinagawa ng lokal na pamahalaan ng Las Piñas bilang bahagi ng selebrasyon ng National Women’s Month.
Sa pagsasagawa ng medical mission ay pinasalamatan ng pamahalaang lokal ang Beauty Beyond Borders ng Aivee Group para sa pagbibigay ng libreng beauty treatment sa 300 kababaihan sa lungsod kaugnay sa 18th Women with Disabilities Day.
Ang Beauty Beyond Borders ay nakipag-ugnayan sa City Social Welfare and Development (CSWD) para sa pagsasagawa ng event sa Heritage Homes Covered Court nitong Marso 25 kung saan ang mga kababaihan ay tumanggap ng libreng dermatologic medical assistance at treatment.
Kasabay nito, nakibahagi rin sa naturang aktibidad ang City Health Office (CHO) team na namahagi naman ng mga gamot, sabon at cream para sa sakit sa balat. MARIVIC FERNANDEZ