LIBRENG BINGOT OPERATION IKINASA SA MAYNILA

PINASALAMATAN ng lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila ang Rotary Club of Manila at ang Operation Smile-Philippines (OSP) sa muling paggamit nila ng pasilidad ng Sta. Ana Hospital upang magsagawa ng libreng operasyon sa mga batang ipinanganak na may bingot o “cleft lip”.

Ang Rotary Club of Manila at ang Operation Smile, isang pandaigdigang organisasyong medikal na nagkakaloob ng libreng operasyon sa mga batang ipinanganak na may bingot, ay nakipag-partner sa Sta Ana Hospital na pinamumunuan ni Director Dr. Grace Padilla at sa mga propesyunal at dalubhasang doktor upang magkaloob ng komprehensibong pangangalaga, kabilang ang pagsasailalim sa operasyon ng mga batang may bingot.

Ayon kay Herminio Esguerra, Pangulo ng Rotary Club of Manila, ang kanilang Cleft Surgery Mission 2023 ay naglalayong magkaloob ng libreng operasyon sa may 60 o mahigit pang mga bata na ipinanganak na may bingot.

Nanawagan naman si Esguerra sa mga magulang na may anak na may cleft lip o cleft palete na makipag-ugnayan agad sa Operations Smile Philippines. Aniya, mayroon pa umanong labing dalawang slots na pwede nilang matulungan at maoperahan.

Paalala pa ni Esguerra na makipag-ugnayan lamang sa facebook page ng operations smile para sa mga magulang na nais maging benipisyaryo ng naturang proyekto.

Karaniwan na sa bansang Pilipinas ang mga batang isinisilang na may bingot o hindi normal ang bibig kung saan isa sa may 500 batang isinisilang ay may ganitong uri ng kondisyon na nakaka-apekto sa kanilang anyo, pagsasalita, pandinig, at kanilang pagkain, bukod pa sa kalidad ng kanilang buhay.

Noon lang nakaraang buwan, personal na dinalaw ni Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan ang may 40 pasyenteng may bingot na sumailalim sa libreng operasyon ng OSP sa Sta Ana Hospital.
PAUL ROLDAN