LIBRENG CHECK UPS, LAB TESTS ISINUSULONG

LIBRENG CHECK UP

KUMPIYANSA si Senador Sonny Angara na ang pagsertipika ni Pangulong Duterte sa Universal Health Coverage bill bilang urgent ay maibibilang sa mga isusulong niya sa kanyang ikatlong SONA sa susunod na linggo.

“Malaki ang ating tiwala na agad aaksiyunan ng mga kapwa nating senador ang panukalang ito dahil certified as urgent na ito ng Pangulo. At  dahil sa magandang layunin ng panukala na gawing libre ang check up, lab tests, medisina, pagpapagamot sa ospital, rehabilitasyon at panga­ngalaga sa mga may malulubhang karamdaman, tiyak na susuportahan ito ng ating mga kasamahan sa Senado,” ani Angara, isa sa mga awtor ng nasabing panukalang batas.

Kamakailan ay inaprubahan na ng Mababang Kapulungan ang kanilang bersyon ng panukala, habang sa Senado ay nakabimbin pa ito sa komite.

Layunin ng naturang panukalang batas na i-reorganize ang PhilHealth sa Philippine Health Security Corporation na  mangangasiwa sa pagbabayad sa mga serbisyong medikal.

Mababatid na ang namayapang ama ni Angara, si dating Senate President Edgardo Angara ang tinaguriang Ama ng PhilHealth  dahil ito ang may akda ng batas na lumikha rito noong 1995.

Ang nakababatang Angara naman ang isa sa mga awtor ng Republic Act 10606 o ang batas na sumisiguro na bawat Filipino, partikular ang mga pinakamahihirap ay mapagkakalooban ng mga benepisyo ng PhilHealth.

Sa kasalukuyan, nangunguna si Angara sa mga panawagan kaugnay sa agarang pagsasabatas ng Senate Bill 1673 o ang panukalang pagpapalawak sa PhilHealth. Kabilang sa mga layunin ng proposisyon na ipasakop sa PhilHealth ang promotive, preventive, curative, rehabilitative at palliative health services sa lahat ng Filipino.

Ayon sa senador, ang ilan sa mga pangunahing dahilan ng pagkamatay ng ating mga kababayan ay ang mga karam­daman tulad ng sakit sa puso, cancer, stroke, malubhang sakit sa baga at diabetes na may mga paraan naman aniya upang magamot o maagapan.

Nilikha ang PhilHealth para mapangalagaan ang kalusugan ng bawat Filipino. Sinisiguro nito na lahat ay puwedeng magpagamot at hindi lang ‘yung mga may kakayahang magbayad. Dapat ay palakasin at palawakin ang serbisyo nito para mapakinabangan lalo na ng mga mahihirap,” ayon pa rin kay Angara. VICKY CERVALES

Comments are closed.