LIBRENG CLEFT LIP, CLEFT PALATE SURGERY SA QC

SINIMULAN na ng pamahalaang lokal ng Quezon City ang pagbibigay ng libreng cleft lip at cleft palate surgery para sa mga mahihirap na residente sa lungsod.

Ito ay sa pamamagitan ng “Ngi­ting QC” program ng Rosario Maclang Bautista General Hospital (RMBGH) at QC Kabahagi Center for Children with Disabilities.

Ang cleft lip ay deformity sa bahagi ng labi, habang ang cleft palate ay sa ngalangala na nakakaapekto sa pagkain, paghinga at pagsasalita.

Malimit na nagiging biktima ng bullying at pangungutya ang mga taong may cleft deformity.

Sa pamamagitan ng Ngiting QC program, maiiwasan ito at mapapataas ang kanilang kumpiyansa sa sarili.

Ang mga pasyente na isasailalim sa cleft lip surgery ay edad limang buwan pataas samantalang ang cleft palate surgery ay mula isa hanggang 15 taong gulang na dumadaan muna sa masu­sing assessment at interview ng doktor, laboratory tests, at swab test na sagot mismo ng pamahalaang lungsod.

Regular din itse-check ng mga doktor ang mga pasyente upang masi­gurong maayos at hindi maiimpeksyon ang tahi. Ang mga bata naman ay isasailalim din sa speech therapy program ng Kabahagi Center.

Sa mga indigent resident na nais maging benepisyaryo, maaaring magpadala ng mensahe sa RMBGH-QC Cleft Center facebook page o magtu­ngo sa RMBGH sa IBP Road, Barangay Batasan Hills tuwing Martes o Huwebes at hanapin si Ms. Arlyn Naval. EVELYN GARCIA