LIBRENG COLLEGE EDUCATION, KATOTOHANAN NA — SALCEDA

KATOTOHANAN na ang libreng pag-aaral sa kolehiyo para sa mga kabataan matapos lagdaan kamakailan ang P41-Bilyon Memorandum of Agreement (MoA) ng state universities and colleges (SUCs) at local universities and colleges (LUCs), at ng Commission on Higher Education (CHED) at Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST).

Ayon kay Albay 2nd District Rep. Joey Salceda, ang principal author ng RA 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act (UAQTEA) of 2018 sa Kongreso, ang free college education ay tiyak na hakbang tungo sa pagpapalawak at pagpapalago sa ‘middle class’ ng bansa, at badya ito ng “’next wave social revolution’ sa pagtatatag ng isang tunay na pantay-pantay na lipunan.”

Nilagdaan ni Pangulong Duterte ang UAQTEA Agosto noong nakaraang taon. Sinaksihan din niya ang paglagda sa MoA nitong nakaraang ika-13 ng Hunyo sa Malacañang kung saan pinuri niya ang mga nagsikap para magkatotoo ang ‘free tertiary education’ na isang “mailap na pangarap.”

Kasama ang mga 30,000 kabataang estud­yante ng Albay sa makikinabang sa programang UAQTEA ngayong taon. Sa kabuuan, mga 18,000 ang mag-aaral sa Bicol University ng pamahalaan sa Legazpi at mga campus nito sa Tabaco City at sa mga bayan ng Polangui at Guinobatan. Mga 12,000 naman ang mapupunta sa Daraga Community College, Rapu-rapu Community College at Manito Community College.

Ang UAQTEA ay hango sa modelo ng Albay Universal Access to College Education program na binalangkas at ipinatupad ni Salceda nang si­yam na taon siyang gobernador ng Albay hanggang 2016. Sa ilalim ng programa niya, natulu­ngang makatapos ng pag-aaral ang 88,888 mga kabataan. Naging susi rin ito “para mapababa ang kahirapan sa Albay sa 17.1% noong 2015 mula 41% noong 2007.”

Sa ilalim ng UAQTEA, paliwanag ni Salceda, ang mahihirap na estudyante mula sa mga pamilyang kasali sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), ay maaaring mag-aral sa mga pri­badong kolehiyo kung walang SUC o LUC malapit sa kanila at susuportahan sila ng pondong pahiram sa pamamagitan ng UniFAST na siyang namamahala sa lahat ng Student Financial Assistance Programs ng pamahalaan.

Bukod dito, ayon kay Salceda, may iba pang mga pamamaraan sa ilalim ng programa para matulungan ang mga kabataan upang sila’y magkaroon ng dekalidad na edukasyon, na karapatan ng bawat mamamayan at obligasyon naman ng estado.

Ang P41-bilyong alokasyon para sa UAQTEA sa unang taon nito ay bahagi ng Medium Term Development Program ng administrasyong Duterte para isulong ang lalong pagkakapantay-pantay ng mga Filipino, dagdag ni Salceda na senior vice chair ng House committee on appropriations, at tinagurian ng CHED na “champion of free tertiary education” sa Kongreso.

Comments are closed.