MAGSASAGAWA ang lokal na pamahalaan ng Pasay ng libreng COVID-19 test para sa mga mamamahayag na nakatalaga sa lungsod kabilang na rin ang market vendors at drivers ng tricycle at pedicab.
Ayon kay Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, alinsunod ito sa kanilang pangkalahatang pagtugon sa COVID-19 upang mapigil ang pagkalat ng virus sa mga residente ng lungsod.
“Ang mga vendors at drivers lalung-lalo na ang mga journalists ay exposed sa panganib ng kontaminasyon dahil ang linya ng kanilang mga trabaho ay makasalamuha ang publiko kung kaya’t dapat lang din natin na protektahan ang mga ito sa kanilang mga gawain,” ani Calixto-Rubiano.
Aniya, ang magiging resulta ng isasagawang rapid testing ay makatutulong din sa City Health Office (CHO) upang malaman kung sino sa mga nabanggit ang magpopositibo sa COVID-19 na kailangan ng agad na mabigyan ng tulong medikal depende sa kanilang pagkakahawa sa virus.
Dagdag pa ng mayora, ang lahat ng mainstream media entities at media sites ay nagtalaga ng reporters at photographers sa lungsod upang makapagbigay ang mga ito ng impormasyon para sa mga residente at general public.
Ang Geneva-based international non-organization Press Emblem Campaign (PEC) ang nagsabing ‘ang media ay gumaganap ng importanteng papel sa laban ng coronavirus disease o COVID-19 kahit na nagbibigay pa ito ng panganib sa kanilang mga trabaho.
Gayundin ang mga tindera sa palengke at mga driver ng tricycle at pedicabs ay ‘prone’ din sa panghahawa ng virus dahil sila ay nilalapitan mismo ng kanilang mga kliyente.
Aabot ng mahigit 5,800 ang mga driver ng tricycle at pedicab habang ilang daan naman ang vendors sa lungsod. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.