ISINUSULONG muli sa Kamara ang panukalang magbibigay ng libreng dialysis para sa mga mahihirap na pasyente.
Muling inihain nina Nueva Ecija Rep. Estrellita Suansing at Sultan Kudarat Rep. Horacio Suansing ang House Bill 187 o ang “Comprehensive Renal Replacement Therapy Act” na inaasahang mapapabilis ang pag-apruba matapos na maipasa ito noong 17th Congress sa ikatlo at huling pagbasa.
Nakasaad sa panukala na sasakupin na rin ng treatment services ng PhilHealth ang comprehensive renal replacement therapy gayundin ang doctor’s fee at iba pang singil sa ospital.
Kasama rin sa libreng dialysis ang evaluation at screening ng kidney donors at recipients hanggang sa transplant procedure, post-operation o ang recovery at rehabilitation.
Oobligahin ang lahat ng pagamutan ng gobyerno na magkaroon ng hiwalay na pasilidad para sa dialysis services at pagsasanay sa mga medical practitioner na magbibigay ng dialysis treatments.
Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang tutukoy naman sa mga indigent patient na makikinabang sa libreng procedures.
Ang mga ospital, dialysis centers at health facilities na hindi susunod sa panukala ay maaaring pagmultahin ng P50,000 hanggang P100,000.
Sa ngayon ay umaabot ng P25,000 hanggang P46,000 kada buwan ang gastusin sa kada dialysis treatment. CONDE BATAC
Comments are closed.