PASADO na sa ikatlo at huling pagbasa ng Mababang Kapulungan ang House Bill 6803 o ang Renal Replacement Therapy Bill sa botong 290 Yes at wala namang pagtutol.
Ang panukala na inihain ni Baguio City Representative Mark Go ay layong bigyan ng free dialysis treatment ang mga pinakamahihirap na pasyente, gayundin ang mabigyan ng komprehensibong Renal Replacement Therapy (RRT) ang mga pasyente na nasa end-stage na ng sakit.
Palalawigin ng panukala ang coverage ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa RRT para sa mga mahihirap.
Kasama na sa package ang medical services, mas malawak na access sa kidney transplants at iba pang gamutan.
Inaasahang kapag naisabatas na ito ay mas maraming national, regional at provincial government hospitals ang magbibigay ng libreng dialysis sa mga mahihirap na may mga sakit sa bato.
Umaabot sa P2,000 hanggang P2,500 ang kada session sa dialysis treatment sa government hospital habang P4,000 naman kada treatment sa mga pribadong pagamutan.
Tatlong beses nagda-dialysis sa isang linggo ang pasyenteng may kidney failure.