IKINAGALAK ng National Council on Disability Affairs (NCDA) ang pagsasabatas ng Republic Act 11650 o An Act Instituting a Policy of Inclusion and Services for Learners with Disabilities in Support of Inclusive Education.
Ang nasabing batas ay nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 11, 2022.
Sa ilalim ng batas, inaatasan ang lahat ng mga paaralan sa bansa na magbigay ng libreng early at basic education at suportahan ang mga serbisyo na may kaugnayan sa pag-aaral ng mga may kapansanan.
Iniaatas din sa nasabing batas ang pagtatatag ng “Inclusive Learning Centers of Learners with Disabilities” o ILRCs para sa general education system ng mga mag-aaral.
Ayon kay NCDA Executive Director Emerito Rojas, isang mahalagang ‘milestone’ na magtataguyod ng mga karapatan at magtataas ng buhay ng mga batang may kapansanan ang pagkakapasa ng batas.
Magbibigay aniya ito ng mga bagong pag-asa para sa mas magandang kinabukasan ng mga nasa sektor ng may kapansanan. LIZA SORIANO