(Part 2)
NOONG nakaraang Martes ay tinalakay natin, mga kamasa, ang libreng influenza vaccine na iniutos na ipamahagi o i-administer ng Department of Health (DOH) sa ating mga senior citizen o mga Filipinong may edad 60 pataas. Ang libreng flu shots ay alinsunod na rin sa Expanded Senior Citizens Act of 2010, o Republic Act 9994, na nag-aatas sa DOH na bigyan ng libreng influenza vaccine ang ating mga kababayang senior citizen.
Binanggit din natin, mga kamasa, ang datos ng Bureau of Epidemiology, Public Health Surveillance Division ng DOH, na nagsasabing nasa 21% ang pagtaas ng mga namamatay dahil sa influenza at 40% sa mga ito ang tinamaan ng Influenza B Yamagata-Lineage virus, samantalang ang Influenza A naman ang responsable sa may 30% ng mga nangangamatay dahil sa influenza, at ang iba naman ay nangamamatay dahil sa kumplikasyon na nati-trigger ng influenza.
Sa findings naman ng Center for Disease Control (CDC) ay napag-alaman natin na ang mga taong may edad 65 pataas ang pinaka-vulnerable na tinatamaan ng matinding kumplikasyon ng flu.
Para sa CDC at World Health Organization, ang pinakamainam na lunas sa panganib na dala ng flu ay ang flu vaccination na inirerekomenda ng mga eksperto na mai-administer sa ating mga senior citizen nang regular, sinasabing regular sa dahilang ang flu vaccines ay ini-a-update kada season upang mapanatiling mabisa laban sa flu virus na kilalang regular na nagmu-mutate, bukod pa sa lumilipas ang immunity ng naturukan ng flu vaccine matapos ang isang taon, kaya ang payo ng ating mga eksperto ay taunan ang gawing pagtuturok ng flu vaccine sa ating mga senior citizen.
Ang 2018-2019 flu vaccine ay nai-update na upang mas magaling na makalaban sa mga nagsi-circulate na viruses.
Ang DOH ay naglunsad noong taong 2016 ng libreng flu at pneumococcal vaccinations para sa may 1,470,903 senior citizens na ang edad ay mula 60 hanggang 65. Ang mga may edad 60 ay nabigyan ng dalawang dose na may limang taong pagitan. Ang may edad 65 pataas naman ay nabigyan ng isang dose sa mga barangay health center sa buong bansa.
Hinihikayat natin ang ating mga senior citizen na bumisita sa ating mga barangay health center sa buong bansa, o kaya naman ay sa DOH health centers at nang mapakinabangan ninyo ang libreng flu shots.
Samantala, pinupuri natin ang DOH sa maagap na pagtalima sa balitang may kakulangan sa anti-rabies vaccine sa ating mga public health center. Tayo’y nakatanggap ng mga ulat na nagdagdag na ng stocks na anti-rabies vaccine ang DOH. Pinupuri natin si Sec. Francisco Duque sa maagap na pagresponde sa isang napakakritikal na health concern. Tunay naman kasing nakamamatay ang rabies na nakukuha kadalasan sa mga alagang hayop na nakakakagat ng tao. Ang isang taong nakagat ng asong may rabies ay mayroon lamang 24-oras na window. Walang gamot sa rabies, ngunit mapoprotektahan natin ang ating mga kababayan sa pamamagitan ng anti-rabies vaccine na available sa ating mga barangay health centers at DOH health centers.
Comments are closed.