Handog ng KWF sa Ika-150 anibersaryo ni Aurelio V. Tolentino
BILANG paggunita sa ika-150 anibersaryo ng kapanganakan ng dakilang bayaning mandudula na si Aurelio V. Tolentino ay muling inilathala at libreng ipinamamahagi ng KWF ang kopyang digital ng kaniyang tanyag na Kahapon, Ngayon, at Búkas.
Ang akdang Kahapon, Ngayon, at Bukas ni Aurelio V. Tolentino ay isang drama simbolika na itinuturing na pinakasikat sa mga dulang sedisyoso noong panahon ng Americano.
“Nais ng KWF na maging aksesibol at libreng mada-download ang ating mga dakilang pamanang pampanitikan sa mas nakararaming Filipino sa pamamagitan ng programang Aklat ng Bayan ng Komisyon sa Wikang Filipino. Marapat lamang na ibalik natin sa taong-bayan ang mga karunungan at pamanang gaya ng Kahapon, Ngayon, at Búkas,” paliwanag ni KWF at NCCA Tagapangulo Virgilio S. Almario.
“Inaanyayahan namin ang lahat na basahin ang mahalagang akdang ito ngayong kaarawan ni Aurelio V. Tolentino at gunitain di lamang ang ambag niya sa ating panitikan kundi maging sa ating kalayaan bilang mga Filipino,” dagdag pa ni Almario.
Naging napakamabisà ng Kahapon, Ngayon, at Búkas, na ayon sa sulat-kamay na salaysay ni AV Tolentino ay: “itinanghal at lumikha ng malaking gulo sa teatro Libertad noong 14 Mayo 1903 nang mahigit dalawampung ahenteng detektib ang lumusob sa entablado na armado ng mga rebolber. Hindi nakauunawa ng kahit anong salitang Tagalog, ang wika ng aking dula, ang mga ahenteng (Americano) ito. Pinagtatanong nila ako sa Opisina ng Hepe ng Pulisya [ng Maynila], inilipat sa Bilibid, at kapagkuwa’y sinentensiyahan ng dalawang taóng sapilitang pagtatrabaho, at pinagbayad ng dalawang libong dolyar para sa krimen ng sedisyon. Inapela ko ang parusa at noong Disyembre 1903, napalayà ako sa piyansang pitóng libong piso.”
Si Aurelio V. Tolentino ay isang Kapampangan na sumulat sa mga wikang Kapampangan, Tagalog, at Español. Isa rin siyang aktibong Katipunero at peryodista. Siyam na ulit siyang nakulong dahil sa pagsusulat sa mga peryodikong La Independencia, La Patria, at Filipinas. Isinilang siya noong 15 Oktubre 1869 sa Guagua, Pampanga at pumanaw noong 5 Hulyo 1915 sa Maynila. Noong 1921, inilipat ang kaniyang labí sa kaniyang bayang sinilangan sa Guagua, Pampanga. Itinatag sa naturang bayan ang isang monumento bilang pagpupugay sa kaniyang kadakilaan.
Ang Aklat ng Bayan ay isang pangmatagalang proyekto ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na naglalayong isulong ang “Aklatan ng Karunungan” (Library of Knowledge) na magtatampok sa Filipino bílang wika ng paglikha at saliksik. Sa ilalim ng Aklat ng Bayan, muling ililimbag ng KWF ang mga natatanging pag-aaral sa wika, panitikan, at kultura ng Filipinas; isasalin ang mahuhusay na akda mula sa ibá’t ibáng wikang katutubo, panitikang-bayan man o bagong malikhaing pagsulat; isasalin ang mga dakilang akdang banyaga at mga makasaysayang tekstong Español; ipasusulat o tatangkilikin ang mga bagong pag-aaral pangkultura; at ilalathala ang mahuhusay na tesis at disertasyong Filipino hinggil sa ibá’t ibáng larang.
Libreng mada-download ang kopyang digital ng aklat sa link na ito: https://bit.ly/2BenYRc
Mabibili rin ang naturang aklat sa KWF sa halagang PHP150 lamang.