LIBRENG MEDICAL SERVICES SA 147K YELLOW CARD HOLDERS

INIHAYAG ng lokal na pamahalaan ng Makati na mahigit 147,000 Yellow Card holders sa lungsod ang tumanggap ng libreng serbisyo medikal at mga gamot na pang maintenance sa gitna ng nararanasang pandemya na dulot ng COVID-19 pati na rin ng banta ng Delta variants at Omicron.

Ayon sa pamahalaang lungsod na bukod sa libreng pagpapa-ospital, laboratoryo at konsultasyon, ang Yellow Card holders sa pamamagitan ng Libreng Gamot Para sa Mamamayan Program ay mapagkakalooban ng libreng gamot na pang maintenance para sa hypertension, high-cholesterol, diabetes, at iba pang sakit.

Ang mga ipamamahaging libreng gamot na pang maintenance ay kinabibilangan ng Metformin para sa diabetes, Losartan para sa hypertension, Rosuvastatin, Atorvastatin, at Trimetazidine para naman sa mga may sakit sa puso.

Bukod sa mga gamot ng pang maintenance ay namahagi din ang lokal na pamahalaan ng Vitamin C with Zinc at B-complex vitamins sa mga residente habang isinasagawa naman ang regular na pagtuturok ng bakuna para sa flu, pneumonia, Japanese encephalitis, at iba pang kritikal na mga sakit.

Ipinaliwanag pa na sa kada taon na dumadaan, ang lokal na pamahalaan ay nagtataas ng budget allocation para sa healthcare services ng mga residente lalo na ang mga mamahaling treatment at gamot na pinapasan ng mga benepisyaryo.

Ang mga pasyente ng diabetes ay gumagastos ng P4,500 para sa kanilang insulin sa loob lamang ng isang linggo o may kabuuang P18,500 kada buwan hindi pa kasama dito ang mga glucose test strips at lancets na kanilang ginagamit sa araw-araw.

Nangako ang pamahalaang lugaod na ipagpapatuloy ang pagpapabuti ng buhay ng bawat isang Makatizen sa lungsod.

Ang mga mga residente ng lungsod, nakarehistrong botante, mga empleyado sa gobyerno na nagtatrabaho sa central business district pati na rin ang senior citizens na nasa edad 60 pataas ay kuwalipikado na makakuha ng yellow cards na may tatlong taon o hanggang lifetime na validity. MARIVIC FERNANDEZ