LIBRENG ONLINE COMICS PARA SA MSMEs

ALAM nating hindi biro ang magnegosyo, lalo na para sa MSMEs o micro-, small-, and medium-sized enterprises.

Maraming mga balakid at pagsubok ang hinaharap ng mga negosyante, kabilang na ang mga balakid tuwing dumarating ang panahon ng krisis at mga sakuna. Ngunit isa sa mga bagay na nakatutulong sa kanila ay ang pagiging matatag (resilience).

Hindi iilan ang mga MSMEs na nagpakita ng kakaibang sipag, tiyaga at katatagan sa harap ng maraming pagbabago at pagsubok. Marami ang nakalagpas sa mga ito at nagawang magtagumpay sa kabila ng hirap, lalo na sa gitna ng pandemya. Ang kanilang mga karanasan ay nagsisilbing inspirasyon para sa mga katulad nilang nais ding sumubok na mag-negosyo. Maraming aral ang mapupulot mula sa kanilang pinagdaanan.

Dahil dito, naisip ng Philippine Disaster Resilience Foundation (PDRF) na kolektahin ang lima sa mga kuwentong ito at ilunsad bilang comics. Katulong ng Asian Preparedness Partnership (APP) at Philippine Preparedness Partnership (PHILPREP), naglabas ang PDRF ng libreng publikasyon na maaaring ma-access online: http://iadapt.pdrf.org/msme-stories-of-resilience/

Ang mga nakaka-inspire na kuwentong ito ay ang mga sumusunod: Hapi Jess, IF Green Technologies, Lorenzo Farm, Made by Pearl, at Nature’s Winery. Libreng mada-download ang mga ito mula sa url sa itaas.

Matatagpuan din sa website na ito (https://iadapt.pdrf.org/philpreptools/) ang iba’t ibang tools na makatutulong sa MSMEs, lalo na sa panahon ng mga kalamidad o sakuna. Ang iAdapat (Innovations Academy for Disaster Awareness, Preparedness, and Training) ay ang nag-iisang online academy para sa katatagan sa panahon ng sakuna (disaster resilience) ngayong panahon ng “new normal”.