LIBRENG ONLINE CONSULTATION SA MGA KAWANI NG MAKATI CITY HALL

INIHAYAG ni Makati City Mayor Abby Binay na mapagkakalooban ang lahat ng 10,785 empleyado ng city hall ng libreng online consultation makaraang makipag-partner ang lokal na pamahalaan sa KonsultaMD na pangunahing telehealth provider sa bansa ng Globe Group.

Bukod pa sa mga empleyado ay may plano rin ang lokal na pamahalaan na papag-ibayuhin ang programa na kinabibilangan ng 144,943 Yellow Card holders ngayong taon na mapagkalooban din ng libreng pagkonsulta sa online ang mga senior citizens, differently-abled persons, mga pasyenteng bedridden, at ang lahat ng mga hindi na kaya pang dumalaw sa mga pasilidad dahil sa kondisyon ng kalusugan at iba pang sakit.

“We are honored to partner with the Globe Group and KonsultaMD to provide online consultations and other telemedicine services to City Hall employees. We believe that this partnership can set a good example for other cities and organizations to follow, as we work together to overcome the challenges of the pandemic,” ani Binay.

Sinabi ni Binay na ang layunin ng partnership, na kauna-unahang proyekto ng KonsultaMD sa local government unit (LGU) sa Metro Manila ay mapagkalooban ng mas magaan at mas madaling pagseserbisyo sa mga empleyado ng city hall para matugunan ang pangangailangang pisikal at mental concerns matapos ang clinic hours.

Ayon kay Binay, ang mga kailangan lamang na gawin ng mga empleyado ng city hall na mga Yellow Card holders ay i-download ang KonsultaMD mobile app, mag-register, at mag-iskedyul ng konsultasyon sa isang lisensiyadong doktor o kaya ay mental health counselor.

Sa telehealth platform ng KonsultaMD, ang mga empleyado ay maaari ring kumonsulta sa mga lisensiyadong doktor at healthcare professionals sa pamamagitan ng 24/7 video calls ng hindi maaapektuhan ang kanilang seguridad dahil hindi na kailangan pang umalis ng bahay o kahit pa nasa opisina lamang.

Maliban pa sa online consultations ay nag-aalok din ang KonsultaMD ng e-prescriptions, laboratory requests, online medical certificates, at mental health support.

Sinabi ni Binay na ang e-prescriptions ay maaaring i-presenta sa Planet Drugstore upang mapagkaloooban ng libreng gamot.

Nagpasalamat din si Binay kay Globe Group President and CEO Ernest Cu at KonsultaMD CEO Cholo Tagaysay sa kanilang suporta at dedikasyon sa pagpapabuti ng kalusugan ng Makatizens. MARIVIC FERNANDEZ