APRUBADO na ang batas na layong burahin ang kagutuman at kakulangan sa nutrisyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng libre at masustansiyang pagkain sa mga estudyante sa pampublikong day care, kindergarten at elementary school.
“Napakalaking tulong nito para mabigyan ng sapat na nutrisyon ang ating mga estudyante upang sila’y lumaking malusog at matalino,” ayon kay Senador Bam Aquino kaugnay sa isinabatas na Republic Act 11037 o ang Masustansiyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act.
Si Aquino ang principal sponsor at co-author ng panukalang ito sa Senado.
Maliban sa pagtutok sa malnutrisyon at kagutuman sa mga estudyante ng day care, kindergarten hanggang Grade 6, layon din ng batas na bigyan ng kabuhayan ang mga lokal na magsasaka, kung saan kukunin sa kanila ang kailangang supply para sa feeding program.
“Maliban sa pagtugon sa problema sa malnutrisyon, mabibigyan din ng dagdag na kabuhayan ang ating mga magsasaka sa tulong ng batas na ito,” giit ng senador.
Bukod kay Aquino, ang iba pang may-akda ng batas ay sina Senator Grace Poe, Gregorio Honasan II, Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri, Loren Legarda, Cynthia Villar, Joel Villanueva, Sherwin Gatchalian, Senate President Vicente “Tito” Sotto III, Senate President Pro-Tempore Ralph Recto at Senate Minority Leader Franklin Drilon. VICKY CERVALES
Comments are closed.