LIBRENG PAGPAPAGAMOT NI JUAN DELA CRUZ ABOT KAMAY NA NGA BA?

Health is wealth.  Subalit paano kung wala kang pampagamot at pampaospital o kahit pampa-check up man lang?

Dito na pumapasok ang Philippine Health Insurance Corporation (Philh=Health, na layuning makapagbigay ng abot-kayang serbisyong medikal sa mga may kakayahan at i-subsidize naman ang medical care ng mga walang kakayahang makapagpagamot.

Gayunman, hindi lahat ng gastos sa pagpapagamot o pagpapa-ospital ay sinasagot ng Philhealth kaya’t naghain si Agri-Partylist Rep. Wilbert Lee ng House Bill 10245 na layuning i-institutionalize ang “No Balance Billing (NBB) policy na magtatakda ng pagkakataong makapagpagamot nang hindi inaalala ang gastos sa pagpapa-ospital at isulong ang pantay na access sa healthcare services.

Isinulong din sa Kamara de Representantes  na gawin na ring libre ang gamot sa pagpapa-dialysis ng mga may diabetes.

Ayon kay Deputy House Majority Floor Leader at ACT-CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo, may kamahalan ang nasabing laboratorti lalo para sa mga kapos ang panggastos at naniniwalang kakayanin naman ng pondo ng PhilHealth na tuluyan nang ilibre ito lalo ang gamot na itinuturok sa mga diabetic patient.

Bagaman maaaring hindi na rin kailanganing magpasa ng batas ang kongreso upang obligahin ang PhilHealth, naghain na anya sila ng ACT-CIS ng panukalang bigyan ng diskwento sa gamot ang mga diabetic patient, lalo ang mga nagpapa-dialysis.

Bukas naman ang PhilHealth sa mga panukala ng mga mambabatas upang makatulong at mapagaan ang pasanin ng mga miyembro, lalo ang mga kapos ang panggastos sa pagpapagamot.

Ayon kay PhilHealth Corporate Affairs Group Acting Vice President at Spokesman Rey Baleña, bagaman pag-aaralan nila kung kakayanin ng pondo ng state-health insurer ang hirit ng kamara, mas mahalagang isyu ay kung maipagpapatuloy ba ito sa mahabang panahon.

Sa isyu naman ng No-Balance Billing, nilinaw ni Baleña na nakasaad naman na ang probisyon para sa libreng pagpapagamot sa section 9 ng Universal Health Care Law o Republic  Act 11223 at inaming kailangan pang isapinal ang mga guidelines ng nasabing batas upang mas maging malinaw ito, lalo sa mga miyembro ng PhilHealth maging ang indigent members.

Naniniwala ang SIYASAT Team na bagaman mahalaga ang UHC Law, importante ring masilip muli ito ng Kongreso lalo’t lubhang naapektuhan ang full implementation ng naturang batas matapos ang Covid-19 pandemic.

Una na ring inihayag ng Philhealth ang kanilang pag-asang aamyendahan ng Kongreso ang nasabing batas ngayong taon kasunod ng atas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pag-aralan ang suspensyon ng premium rate hike.

Naniniwala rin ang SIYASAT Team na pinakamahalaga ay dapat isa-alang-alang ng gobyerno ang kapakanan at i-prayoridad ang kalusugan ng nakararaming Pilipino.

♦♦♦♦♦

Para sa patas na pagtalakay, patuloy na nakikipag-ugnayan ang SIYASAT Team ng DWIZ 882 sa mga kinauukulan pang ahensya ng gobyerno upang higit na malinawan ang issue.