LIBRENG PAGSASANAY SA FARMERS PATULOY

KAAKIBAT ng libreng 14 na linggong pagsasanay na sinimulan noong nakaraang Disyembre 15 sa tulong ng Agricultural Training Institute (ATI), pinamunuan ni Agricultural Center Chief Coleta Quindong ang pamimigay ng P1,000.00 bilang Personal Protective Equipment and Internet Allowance sa 100 RSBSA-registered na mga magpapalay.

Ang mga ito ay kabilang sa Farmer Field School (FFS) on Production of High-Quality Inbred Rice and Seed Certification, and Farm Mechanization sa DA-Regional Integrated Agricultural Research Center (DA-RIARC), Brgy. Alcate. Victoria, Oriental Mindoro.

Ang nasabing aktibidad ay bahagi ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Scholarship Program na nakalaan para sa Rice Extension Services Program (RESP) sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF).

Makatatanggap ang bawat magsasaka ng karagdagang food allowance na nagkakahalagang P2,240.00 at Sertipiko ng Pagpapatunay sa Araw ng Pagtatapos na gaganapin sa Marso 31.

Ayon kay Agriculturist Katherine Castro, nagkaroon ng ganitong FFS sa RIARC kung saan kumpleto ang mga pasilidad para sa mga magsasakang naninirahan sa mga kalapit na barangay ng Victoria na hindi nakadadalo sa mga training ng tamang pangangalaga at pangangasiwa ng palayan. Nahahati ang 100 magsasaka sa 4 pangkat na sumasailalim sa pagsasanay mula Martes hanggang Biyernes.

“Ang mga magsasaka ay nagkaroon ng magandang kaalaman lalo’t higit sa pamamaraan ng pagpapalayan tapos ‘yung socialization, camaraderie sa bawat magsasaka. Sa panahon lalo ngayong pandemic, nakakaalis din ng stress nila, ‘yung farmer field school, ito ‘yung school without wall sa labas, so dun sila, malaki ang katuruan dun, para gang mga eskuwela,’ yung barkadahan, so mami-miss din nila ito sa panahon ng graduation,” wika ni ACC Coleta Quindong,

Natutuwang nagpahayag ng kanyang naranasan sa aktibidad si Lolita Mancoste, isang magpapalay mula Sitio Antonino, Victoria.

“Nagkaroon din ng mga pagsasanay – nagkaroon kami ng farm mall, nagtanim, nagpatag ng lupa, at iba pa. Masaya rin po akong may panggastos sa mga kailangan namin na katulad ngayong panahon katulad niyan, may pandemya, walang pang-araw-araw, naubusan na ng bigas, ganun kaya aming ilalagay sa maganda ang aming mga natatanggap tulad ng para may pambili ng mga gamot.”

Paliwanag ni Senior Science Research Specialist Jovilito Landicho, “Actually malaking tulong ito sa ating mga contractual na hindi agad natawag noong January so sila ‘yung naging teacher namin, sila ‘yung naging tagapagturo ng mga farmers natin na kahit sila tawag na regular dito sa DA-RIARC, sila ay nakapagturo naman sa ating mga TESDA beneficiaries.”

Ang mga kasapi sa DA-RIARC na nagsasanay sa mga magsasaka ay dumaan din sa masusing pag-aaral at pagsasanay kabilang ang Trainer’s Training (ToT), Trainer’s Management (TM), Rice Machinery Operation (RMO) at Small Engine Operation (SEO).

2 thoughts on “LIBRENG PAGSASANAY SA FARMERS PATULOY”

Comments are closed.