NANAWAGAN si Senador Sonny Angara kay Pangulong Rodrigo Duterte na lagdaan at pagtibayin na sa lalong madaling panahon ang batas na naglalayong gawing libre ang pagkuha ng mga kaukulang dokumento para sa mahigit isang milyong first-time jobseekers.
Kabilang sa mga dokumentong ito ang NBI clearance, police clearance, barangay clearance, medical certificate mula sa public hospitals, birth and marriage certificates, tax identification number (TIN), community tax certificate (cedula), certificate of eligibility, multi-purpose ID card at iba pang dokumento mula sa gobyerno na kinakailangan sa pag-aaplay ng trabaho.
“Ang paghahanap ng trabaho, magastos. Hindi mo pa nga sigurado na makakahanap ka ng mapapasukan, marami ka nang na-gastos. Pero kung isasabatas ni Pangulong Duterte ang panukala nating gawing libre ang pagkuha ng requirements para sa first time jobseekers, napakalaking tulong nito sa kanila,” ani Angara.
“Kadalasan, nababaon pa sa utang ang mga aplikante, lalo na ‘yung mga walang-wala sa buhay. Ibibili na lang sana ng pagkain, ibabayad pa sa mga dokumento sa pag-asang madali silang makahahanap ng trabaho ‘pag kumpleto na sila sa requirements. Nakalu-lungkot,” pagdidiin pa ng senador.
Base sa datos, gumagastos ng hanggang P2,000 ang isang job applicant para lamang makakuha ng employment requirements. Karamihan pa sa mga papeles na ito, ayon sa senador, ay nagmumula sa gobyerno.
Sa kasalukuyan, ayon kay Angara, pirma na lamang ng Pangulong Duterte ang hinihintay ng kanyang panukalang First-Time Jobseekers Act at tuluyan na itong maisasabatas.
Sa ilalim ng naturang batas, ang mga maaaring malibre sa pagkuha ng employment requirements ay ang mga bagong graduate at nakakumpleto ng K-12, may bachelor’s degree o kaya nama’y nakatapos ng technical-vocational course sa alinmang paaralan, kolehiyo o pamantasan sa buong bansa.
Kasama rin sa mga benepisyaryo sakaling maisabatas ito ay ang mga estudyanteng naka-leave of absence o ang mga working student.
“Bukod sa libreng kolehiyo, dapat ay gawin na rin nating libre ang paghahanap ng trabaho na magbibigay-daan upang umangat ang buhay ng bawat pamilyang Filipino,” ayon kay Angara na muling tumatakbo bilang senador sa ilalim ng platapormang ‘Alagang Angara’. VICKY CERVALES
Comments are closed.