CAVITE- ISANG Person With Disability (PWD) na tricycle driver sa Rosario ang nag-aalok ng libreng-sakay ngayong Valentine’s Day.
Kinilala ang 45 anyos na tricycle driver na may mascular skeletal disorder na si Archimedes Caparros Giron, binata at dalawang dekada ng nagta-tricycle sa baryo ng Ligtong sa nasabing bayan.
Hindi pangkaraniwan bilang isang tricycle driver ang kalagayan ni Archie na may kapansanan na habambuhay na niyang papasanin.
Sa panayam kay Archie, “Ito ay isang paraan ko ng pagpapakita ng pagmamahal sa aking mga pasahero na arawang namamasahe at sumasakay sa pampublikong sasakyan. Upang sa kahit ganitong pagkakataon ay makatulong at mailibre ko sila ng pamasahe”.
“Dahil araw ng mga puso ngayon, ihahatid ko kayo ng libre saan mang dako. Dahil kayo ang tunay na pasaHERO ng puso ko,” dagdag pa ni Archie.
Samantala, nagbigay naman ng pinansyal na tulong si Vice-Mayor Bamm Gonzales kay Archie matapos na mabalitaan ang ginawang pagmamalasakit sa mga pasahero.
“Tunay ang busilak ng puso ni Archie para sa mga pasahero sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina ay nangingibabaw pa rin ang kanyang pagmamahal…. pagmamalasakit… at pag-unawa ngayong araw ng mga puso”, pahayag ni Gonzales.
Ang biyahe ng tricycle ni Archie ay patuloy na tatakbo sa bawat sulok ng bayan ng Rosario. Upang ipabatid at ihatid sa bawat tao na hindi hadlang ang kapansanan upang makapagpasaya sa pasahero at mamuhay na puno ng pagmamahal at pagasa sa pamilya.
SID SAMANIEGO