(Libreng sakay inihahanda na) AFP, PNP, MMDA AAYUDA SA MGA MANANAKAY

NAKAHANDANG maglunsad ng libreng sakay ang Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) , Metro Manila Development Authority (MMDA) para sa mga pasaherong maaapektuhan ng nationwide transport strike ng ilang militanteng transport groups sa iba’t-bang bahagi ng Pilipinas sa susunod na Linggo.

Nabatid na maging ang pamahalaang lungsod ng Maynila na pinamumunuan ni Manila Mayor Honey Lacuna katuwang ang Manila Police District (MPD) ay pinag aaralan kung paano matutulungan ang libo libong mananakay na posibleng maapektuhan ng dalawang araw na tigil pasada ikinakasa ng transport group.

Kabilang dito ang grupong MANIBELA o Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon, isang public transport organization na binubuo ng bus drivers, conductors jeepney at iba pang industrial transport workers na may 50,000 miyembro.

At PISTON o Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide na binubuo ng mga driver at operators ng mga public utilities partikular ng mga passenger jeep subalit sinasbaing may mga kasapi rin mula sa drivers and operators ng mga public utility vehicles (PUVs), gaya ng taxis, vans, at buses.

Inihayag ni PNP Public Information Office Col. Jean Fajardo, kasalukuyan na nilang inihahanda ang kanilang mobility assets na ipapakalat naman upang magbigay ng libreng sakay sa commuters.

Ayon kay Fajardo, maaaring parahin ng mga apektadong pasahero ang mga nagpapatrol na pulis sa kalsada upang maalalayan ang mga ito at mabigyan din ng kaukulang assistance at maihatid sila sa kanilang mga patutunguhan.

Samantala, bukod dito ay patuloy na nakikipag-ugnayan rin ang Pambansang Pulisya sa transport groups para mabigyan ang mga ito ng proteksyon at matukoy ang mga lugar na pagdarausan ng protesta upang hindi makaabala sa daloy ng trapiko.

Kasabay nito, pagpapahayag ng kanilang pagrespeto ang PNP sa kalayaan ng mga kasapi ng MANIBELA AT PISTON sa kanilang malawakang tigil pasada simula sa araw ng Lunes.

Kaugnay nito, binigyang diin ni Fajardo na paiiralin pa rin ng pulisya ang maximum tolerance sa mga makikilahok sa transport strike.

Ang tigil-pasada ay dahil sa naka-ambang April 30 franchise consolidation deadline sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program ng pamahalaan.
VERLIN RUIZ