MAGKAKALOOB ang Samahan ng Basketbol ng Pilipinas (SBP) ng libreng point-to-point (P2P) shuttle bus rides para sa 2023 FIBA Basketball World Cup opening sa Philippine Arena sa Bulacan sa August 25.
Ayon sa NLEX Corporation, ang P2P bus rides ay ipagkakaloob sa 12 lokasyon sa Metro Manila at Central Luzon, na kinabibilangan ng PITX Bus Terminal, Mall of Asia Arena, One Ayala Bus Terminal, BGC Market Market Bus Terminal, SM City Megamall, Araneta City, Trinoma, SM City North, Clover Leaf Ayala Mall Bus Terminal, SM City Baliuag, SM City Pampanga, at SM City Clark.
Ang departures ay nakatakda sa alas-11 ng umaga at alas-12 ng tanghali mula sa bawat terminal, na may karagdagang hourly departures mula ala-1 ng hapon hanggang alas-5 ng hapon.
Samantala, naglaan ang PITX Bus Terminal sa Parañaque City ng 50 buses para sa mga manonood ng laro sa Biyernes. Ang P2P buses ay available sa Gate 8 ng terminal.
Ayon sa SBP, para maka-avail ng libreng sakay, ipakita lamang ang opening game ticket (e-ticket o physical copy) saan mang P2P points at magpatatak sa wrist sa pagpasok sa bus.