LIBRENG SAKAY SA SENIORS, PWDs AT BUNTIS ALOK NG TNVs

MAY alok na libreng sakay ang mga tsuper at operators ng transport network vehicle services (TNVS) sa senior citizens, buntis o persons with disabilities na magsisimula sa Disyembre16 o pagsisimula ng Simbang gabi hanggang sa Enero 1, 2023.

Ayon kay Saturnino “Ninoy” Mopas, TNVs representatives, hindi obligado kundi boluntaryo lamang sa mga drayber ng TNVs ang pagbibigay ng libreng sakay.

“Isang libreng sakay ang alok ng mga drayber sa kada araw at random ang pagbibigay nito at ang prayoridad ang mga senior citizens, buntis o persons with disabilities (PWDs),” pahayag ni Mopas.

Kasabay nito, umapela naman ang hanay ni Japs Baguio ng TNVS Alliance Philippines sa Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) na dagdagan pa ang pagbubukas ng slots sa TNVS.

Aniya, sa ganitong paraan ay matutulungan ng kanilang hanay ang gobyerno na mabigyan ng maayos at matiwasay na pagbiyahe ang mga pasahero.

Binigyang diin ng TNVS na sila ang lehitimong grupo na kumakatawan sa ride hailing services.

Panawagan ng grupo sa mga mambabatas, ipasa na ang TNVs law para sa mas maayos na sistema ng transportasyon sa ride hailing service.

Handa umanong makipagtulungan sa pamahalaan at mga mambabatas ang mga koalisyon ng mga tsuper at operators ng TNVS na may 25,000 miyembro upang mas mapabuti pa ang ride-hailing services para mabawasan ang mga pasanin ng mga commuters sa bansa. EVELYN GARCIA