MAGIGING libre na ang pamasahe ng mga estudyante sa railway transportation sa bansa simula sa Hulyo 1, ayon sa Department of Transportation (DOTr).
Sa pahayag ni DOTr Secretary Arthur Tugade, ang mga estudyante mula sa lahat ng antas ay may libreng sakay sa Metro Rail Transit-3 (MRT-3), Light Rail Transit 2 (LRT-2) at Philippine National Railways mula Lunes hanggang Biyernes, maliban kapag holidays at sa piling oras sa umaga at hapon.
Ayon kay Tugade, libre na ang sakay ng mga estudyante sa mga linya ng MRT-3 mula alas-5 hanggang alas-6:30 ng umaga at mula alas-3 hanggang alas-4:30 ng hapon; LRT-2 mula alas-4:30 hanggang alas-6 ng umaga at mula alas-3 hanggang hanggang alas-5 ng hapon; at PNR mula alas-5 hanggang alas-6 ng umaga at mula alas-3 hanggang alas-4 ng hapon.
Bukod dito, sinabi ng kalihim na libre na rin para sa mga estudyante ang terminal fee sa mga paliparan na sakop ng Civil Avia-tion Authority of the Philippines (CAAP) at mga pantalan na pinangangasiwaan ng Philippine Ports Authority (PPA).
Aniya, ang hakbang ay bahagi ng patuloy na pagpapakita ng malasakit ng ahensiya sa mga commuter at sa pagnanais ni Pangu-long Rodrigo Duterte na mabigyan ng komportableng buhay ang mga Filipino.
“Layon nitong hikayatin ang pagpasok nang maaga ng mga estudyante at baguhin ang commuter culture bilang parte ng mandato ng administrasyon sa maginhawang buhay para sa mga pasahero,” sabi ni Tugade.
Saklaw nito ang mga estudyante sa elementary, high school at college levels at ang mga kumukuha ng vocational at technical courses.
Hindi naman sakop ng naturang pribilehiyo ang mga estudyante na kumukuha ng masteral degree courses.
Dagdag ni Tugade, kinakailangang magpareshistro ang mga mag-aaral para sa isang special ID upang mapakinabangan ang libreng sakay. PNA
Comments are closed.