LIBRENG SERBISYO SA DIAGNOSTIC CENTER

Imelda ‘Mel’ Aguilar

SA mga darating na araw ay sisimulan na ng lokal na pamahalaan ng Las Piñas ang pagbubukas ng diagnostic center na makapagbibigay ng libreng serbisyo sa laboratory ng mga residente.

Ito ay napag-alaman kay Las Piñas City Mayor Imelda ‘Mel’ Aguilar na nagsabing nagkaroon na ng pagpupulong sa pagitan ni Vice-Mayor April Aguilar at ng mga department heads pati na rin ng grupo ng City Health Office (CHO) nitong Hunyo 21 bilang preparasyon sa pagbubukas ng nabanggit na diagnostic center.

Ang diagnostic center ay magbibigay ng libreng laboratory services tulad ng CBC (complete blood count) na may platelet, fasting blood sugar, lipid profile, blood urea nitrogen (BUN) test, creatinine test, uric acid, SGOT (a blood test part of liver profile), Serum Glutamic Pyruvic Transaminase (SGPT) o blood chemistry, urinalysis, at chest X-ray.

Sinabi pa na ang pagbubukas ng diagnostic center ay bahagi ng programang pangkalusugan ng lokal na pamahalaan na ang pangunahing benepisyaryo ay ang mga residente ng lungsod.

Ang programang pangkalusugan ay isa sa mga prayoridad ng lokal na pamahalaan sa ilalim ng kanyang “Tuloy Ang Tapat at Progresibong Serbisyo” sa mga Las Piñeros. MARIVIC FERNANDEZ