(Libreng snacks sa mga estudyante) FEED VENDING MACHINE SA MGA ISKUL INILUNSAD

ISA sa pinakahihintay na programa sa ilalim ng administrasyon ng pamumuno ni Makati City Mayor Abby Binay ay ang paglulunsad ng proyektong ‘Food for Excellent Education and Development’ o FEED vending machine na naglalayong mamahagi ng libreng masustansyang snacks sa mga estudyante ng elementarya sa pampublikong eskwelahan.

Sinabi ni Binay na ang inisyatibo ng Project FEED ang makatutulong sa kagutuman at makapagpo-promote sa mga estudyante ng masiglang pamamaraan sa pagkain kasabay ng pagsagot sa problema ng mga magulang na nahihirapang maghanap ng panggastos para mapakain ang kanilang mga anak.

“As a mother myself, I understand the demands of raising children and sending them to school. Through Project FEED, we are hitting two birds with one stone by helping parents with their children’s proper nourishment and enabling them to save for other basic needs,” ani Binay.

Pinangunahan ni Binay at ng kanyang asawa na si Makati City 2nd District Rep. Luis Campos, ang paglulunsad ng Project FEED vending machine sa Makati Elementary School kung saan ipinakita sa mga estudyante kung papaano makakakuha ng iba’t-ibang klase ng snack foods at inumin sa vending machine sa paggamit lamang ng tap card.

Sinabi ni Binay na ang bawat estudyante ay pagkakalooban ng tap card para makakuha ng isang snack food sa loob ng apat na araw at isang fruit juice drink isang beses sa loob ng isang Linggo.

Ayon pa kay Binay, naglaan ng pondo ang lokal na pamahalaan na nagkakahalaga ng P235,000,000 para sa naturang proyekto kung saan mapapabilang ang lahat ng 25 pampublikong eskwelahan sa lungsod.

Maglalagay ng isang vending machine sa bawat eskwelahan maliban na lamang sa may mga malalaking populasyon ng estudyante tulad ng Comembo Elementary School na maglalagay ng dalawang vending machines habang sa Pembo Elementary School at Rizal Elementary School ay maglalagay naman ng tig-tatlong vending machines.

Ang Project FEED ay makapagbibigay sa 42,024 estudyante mula Kinder hanggang Grade 6 ng libreng banana bar tuwing Lunes, oatmeal choco chip cookie kada Martes, cheese muffin tuwing Miyerkules, chocolate fudge brownie sa Huwebes, at isang juice drink kada Biyernes.

“Project FEED promotes the consumption of nutrient-rich root crops and vegetables disguised as cookies and bread which are appealing to kids,” dagdag pa ni Binay. MARIVIC FERNANDEZ