LIBRENG TABLETS AT LAPTOPS SA GURO AT GR.12 PABABA SA PASUKAN-ISKO

Manila Mayor Isko Moreno

MAGBIBIGAY ng libreng tablets at laptops ang pamahalaang lungsod ng Maynila sa lahat ng guro at Grade 12  students pababa ng pampublikong paaralan sa Maynila sa darating na School Year 2020-2021.

Sa kanyang pakikipagharap sa local school board ay inanunsiyo ni Manila Mayor Isko Moreno na bibili ang lungsod ng 110,000 tablet devices na may  SIM cards at 11,000 laptops na may pocket WiFi devices na nagkakahalaga ng P994M  sa darating na pasukan na magiging online class na ang pamamaraan  ng pagtuturo.

“Ayokong pumasok ‘yung bata na walang kapasidad ang eskwelahan na magturo. We are the capital of the nation,” pahayag ni Moreno sa mga miyembro ng school board.

“I want you to focus all your effort on this,” ayon pa rito.

Ayon sa alkalde, ang bawat isang  educational tablet device ay mayrono nang  SIM cards na may 10GB bandwidth para sa buwanang gamit at may libre ring  2GB data para sa YouTube.

“Bibili tayo ng 110,000 na tablet para sa mga Batang Maynila. Walang tosgas na ang mga magulang. Lahat iyong 110,000 ay may SIM card. Buwan-buwan, may load na 10 GB,” pahayag  ni Moreno sa kanyang regular na Facebook live.

“I want to focus on the real problem na kailangan nila ng bandwidth,” dagdag pa ng alkalde.

Kaugnay pa nito ay sinabi rin ni Moreno na mamimigay rin ang pamahalaang lungsod ng 11,000 laptops with pocket WiFi devices sa lahat ng  public school teachers para makatulong sa kanilang  online classes.

“Ma’am, sir, mga teacher, huwag kayong mag-alala. May laptop kayong lahat! Bibili tayo ng 11,000 para sa lahat,” ayon pa sa alkalde.

Tiniyak ni Moreno na ipamamahagi ang libreng devices bago magsimula ang pagbubukas ng  School Year 2020-2021.

Pinuri naman ng  Manila Public School Teachers Association (MPSTA) ang aksiyon ni Moreno at  sinabing malaking tulong para sa mga mag-aaral at guro ang ipamamahaging  educational gadgets

“(Ito) ay isang malaking pag-asa na ibinibigay ng alkalde na maipagpapatuloy ang pag-aaral ng mga Batang Maynila sa gitna ng pandemic crisis na nararansan ng marami sa atin,” ayon kay Louie Zabala, board member ng MPSTA.

Comments are closed.