UPANG agad matulungan at mapangalagaan angTaguigeño at maprotektahan ang frontliners gamit ang teknolohiya habang nilalabanan ang COVID-19, inilunsad ng pamahalaang Lungsod ng Taguig ang Telemedicine, isang programa na puwedeng sumangguni ang mga residente sa mga doktor at medical workers ng kanilang pangangailangang medikal nang hindi na kailangang magtungo sa ospital o health center.
Sa kabila ng 31 health centers at 3 Super Health Centers na patuloy na bukas para magbigay tulong, ang mga residente ng Taguig ay maaari nang humingi ng medical assistance kahit pa nasa loob sila ng kanilang mga tahanan, kung saan puwede pa silang makatanggap ng mga gamot sa pamamagitan ng door-to-door delivery sa panahon ng quarantine.
Kahit na sa text at online lamang ay puwede nang magpakonsulta sa doktor.
Ang mga health worker ay magdadala rin ng mga gamot at iba pang medisina sa harapan ng bahay mismo ng residenteng nangangailangan pati na rin ang iba pang medical services kagaya ng bakuna.
Ayon kay Mayor Lino Cayetano, ang layunin ng programa ay masiguro na ang mga tao ay tumutupad sa itinakdang home quarantine, at para na rin maiwasan ng mga residente na makihalubilo sa maraming tao sa iisang lugar na pagsuway sa social distancing protocols.
“Nais namin sa Taguig na pati ang ating mga tauhan at residente ay ligtas at protektado sa nakahahawang sakit na COVID-19,” wika ni Mayor Lino.
Upang mapakinabangan ang Telemedicine program, ang residente ay maaaring tumawag sa itinakdang Telemed contact number sa kanilang barangay, kung saan ito ay pinangangasiwaan ng mga tauhan mula sa City Health Office (CHO).
Ang mga taong ito ay nakaantabay mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
Matapos makuha ang lahat ng kinakailangan na detalye at clarifications, ang City Health Office ay magre-refer ng inyong kalagayan sa mga doktor, nurse o midwife, na magdedetermina kung anong hakbang ang kailangang matugunan sa pasyente. Tatawagan o ite-text ang pasyente upang mabigyan ng kaukulang instructions.
Kung ang kaso ng pasyente ay maituturing na person under monitoring, ang lahat ng protocols para sa COVID-19 ay ipatutupad at kailangan na masunod.
Kung medisina o gamot naman ang kailangan, ang doktor, nurse o midwife ang mismong magbibigay ng mga paraan upang ma-deliver ang mga medical supply at iba pang pangangailangang pangkalusugan sa bahay mismo ng pasyente.
Magsasagawa rin ang lokal na pamahalaan ng Taguig ng house-to-house distribution ng mga gamot at iba pang serbisyong medikal para maprotektahan ang mga residente sa COVID-19. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.