MAG-IISYU ang pamunuan ng South Luzon Expressway (SLEX) ng one-day pass para sa mga sasakyan na maghahatid ng tulong sa mga biktima ng pagsabog ng Bulkang Taal.
Ayon kay SMC Tollways president Manny Bonoan, kailangan lamang magprisinta ang mga motorista ng identification card at sabihin kung saan sila galing at saang evacuation center pupunta.
Ang hakbang ay bilang tugon sa panawagan ni Atty. Ariel Inton, founder ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LSCP), na i-exempt sa toll fee ang mga sasakyang magdadala ng tulong sa Taal victims upang mapabilis ang daloy ng trapiko sa SLEX at isang paraan din ito upang maeng-ganyo ang mga nais pang tumulong sa mga biktima ng Bulkang Taal.
Sa pagtaya ni Inton, matapos ding magdala ng tulong sa mga biktima, matatagalan pa ang problema na dulot ng pag-aalboroto ng bulkan.
Dahil dito, sigurado aniyang kailangan pa rin ng tulong ng mga taga-Batangas.
Matatandaang kamakalawa nang makaranas ng mabigat na daloy ng trapiko sa kahabaan ng SLEX dulot ng sunod-sunod na nagdadatingang sasakyang may bitbit na donasyon na patungong Tagaytay-Batangas. BENEDICT ABAYGAR, JR.