BILANG tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr., binuksan na para sa overseas Filipino workers (OFWs) ang isang 24/7 VIP (very important person) Lounge sa Terminal 1 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
“Now, our OFWs have a place to call their own in our airports similar to premium lounges being enjoyed by privileged travelers,“ ani Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez”.
“Itong dedicated space para sa papaalis na OFWs ay bukas na. Puwede na nilang gamitin. Binuksan namin ito batay na rin sa utos ng Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ R. Marcos Jr.”, ayon sa lider ng kongreso.
“Ito’y isa lamang sa mga OFWs VIP lounge na ating bubuksan sa mga international airport sa Metro Manila, Clark, Cebu, at Davao para sa ating mga kababayan na paalis at papunta na sa kani-kanilang trabaho abroad. Gusto nating suklian ang malasakit ng OFWs sa ating bansa. Sila ang modern-day heroes. Isang legacy ito ni Pangulong PBBM,” dagdag pa ni Romualdez.
Sinuri nina Speaker Romualdez at OWWA Administrator Arnel Ignacio ang OFW lounge na matatagpuan sa ikaapat na palapag ng Terminal 1 malapit sa pre-departure area noong gabi ng Sabado.
Magbubukas din ng OFW VIP lounge sa Terminal 3.
Ang pagbubukas ng OFW lounge ay isinulong ni Zamboanga Sibugay Rep. Walter Palma na naghain ng panukala para sa pagpapatayo nito.
Ayon kay Romualdez, ang paggamit ng VIP lounge ay libre anumang uri ng tiket ang hawak ng mga OFW.
Ang lounge ay katulad ng mga espasyong itinatayo ng mga airline company para sa kanilang mga business-class at first-class na pasahero na nagbabayad ng mas malaki kumpara sa mga pasahero na nasa economy.
Ang mga OFW VIP lounge ay mayroong komportableng upuan, wi-fi, charging stations, at power outlets, at pagkain gaya ng lugaw, sandwiches, biskuwit, itlog at mga katulad nito at inumin gaya ng tubig, kape, at juice.
“We want to show our deep gratitude and appreciation for our overseas workers for continuing to help our country grow its economy and help their families through their remittances. Making their departure as comfortable as it can be and easing their loneliness is the least we can do for them. We want them to take care of themselves for our country and their families,” sabi ng lider ng Kamara.
Ito ay proyekto ng Kamara, Overseas Workers’ Welfare Administration, Department of Migrant Workers, at Manila International Airport Authority.