Upang maiangat ang performance ng mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa bansa, dapat tiyakin ng pamahalaan na kumpleto ang mga textbook nila, sabi ni Senador Win Gatchalian.
Ayon sa Year One Report ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), lumalabas na 27 lamang sa 90 titles ang nabili para sa Grade 1 hanggang Grade 10 simula 2012. Lumabas din sa ulat na mga mag-aaral lamang sa Grade 5 at Grade 6 ang may kumpletong mga textbook sa lahat ng mga subject. Hindi rin nagamit nang husto ang mga inilaang pondo para sa mga textbook at iba pang instructional materials. Sa P12.6 bilyong inilaan mula 2018 hanggang 2022, P4.47 bilyon (35.3%) lamang ang obligated, samantalang P951.9 milyon (7.5%) lamang ang na-disburse.
Ilan sa mga hamong kinakaharap ng textbook procurement ay ang kakulangan ng oras para sa paglikha, mataas na participation costs, mahabang proseso ng pagsusuri, at mga isyu sa presyo, ayon kay Gatchalian. Dagdag niya, umaabot ng humigit-kumulang tatlong taon ang proseso ng pagbili ng mga textbook na dapat sana’y 180 araw lamang.
Upang matiyak na may textbook ang bawat mag-aaral, tinataya ng tanggapan ni Gatchalian na humigit-kumulang P28 bilyon ang kakailanganin, katumbas ng 4% ng mahigit P700 bilyong pondo ng Department of Education (DepEd).
“Kailangang ayusin natin ang proseso. Kaya kong isulong ang paglalaan ng P28 bilyon kada taon para sa pagbili ng mga textbook, pero sayang lang kung maglalaan tayo ng P28 bilyon kung aabutin lang naman ng tatlong taon bago magamit ang mga ito,” ani Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
“Ang mungkahi ko ay i-liberalize natin ang pagbili ng textbooks upang hindi tayo nagkakaroon ng problema sa logistics at sa proseso ng bidding, lalo na’t inaabot ito ng matagal na panahon at nakaka-apekto ito sa performance ng ating mga mag-aaral. Kung ang mga mag-aaral sa Grade 5 at 6 lamang ang may kumpletong mga textbook, hindi natin maaaring asahan na magiging mahusay ang ating mga mag-aaral dahil wala silang gamit sa pag-aaral,” dagdag na pahayag ng senador.
Ibinahagi din ni Gatchalian ang halimbawa ng Textbook Authorization Research Council ng Japan na may mandatong mag-accredit ng mga textbook title at tiyaking sumusunod sa mga pamantayan ang mga ginagamit na aklat. Ibinabahagi sa mga paaralan at mag-aaral ang listahan ng mga accredited na title upang magabayan ang pamimili nila ng mga aklat. Hinimok ni Gatchalian ang DepEd na pag-aralan ang modelo ng Japan.
Idinagdag pa ni Gatchalian na isusulong niyang ma-amyendahan ang Book Publishing Industry Development Act (Republic Act No. 8047) upang mapabilis ang proseso ng pagbili ng mga textbook.
VICKY C