LIBRONG TUMATALAKAY SA SAGOT SA KAGUTUMAN, ILULUNSAD

NAKATAKDANG ilunsad ang isang libro na naglalaman ng mga makabagong teknolohiya at organikong pamamaraan ng pagsasaka na magsisilbing sagot sa kagutuman.

Ang libro na may titulong “Leave Nobody Hungry” ay iniakda ng dating reporter ng Manila Bulletin na si Virginia R. Rodriguez at nakatakdang ilunsad sa susunod na buwan.

Ayon kay Rodriguez, nais niyang makatulong sa administrasyon ng Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., na siya ring tumatayong Kalihim ng Department of Agriculture (DA) kaya niya naisipang isulat at gawin ang nasabing aklat.

Sinabi ni Rodriguez, ang ginawa niyang libro ay tiyak na makatutulong sa milyon-milyong magsasaka sa bansa para mapataas ang kanilang ani, hindi lamang sa palay at mais maging sa iba pang pananim.

Ani Rodriguez, sagot sa “food crisis agenda” ni PBBM ang mga nilalaman ng kanyang isinulat na libro, kabilang na rito ang “Masaganang 150” na isinusulong ng Pangulo.

Bukod sa “food security” ay nilalaman din ng libro ang paglikha ng maraming trabaho na nais mangyari ng gobyerno.

Inaasahang dadaluhan ni Pang. Marcos, bilang guest of honor, at iba pang matataas na opisyal ng pamahalaan ang book launching, na gaganapin ngayong Setyembre sa Centennial Hall sa Manila Hotel.