LIDER KOMUNISTA AARESTUHIN

ARRESTED-CPP-NPA

KINUMPIRMA ng Armed Forces of the Philippines na puspusan na ang gagawin nilang pag-aresto sa mga lider ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA) na tumatayong consultants ng National Democratic Front (NDF) sa na-terminate na peace talks.

Ayon kay AFP Spokesman Bgen. Edgard Arevalo, dahil sa termination ng peace talks  ay wala nang bisa ang mga inisyung safe conduct passes; at hindi na immune ang mga NDF consultant sa gagawing pag-aresto sa kanila.

Nabatid na tututukan ngayon ng militar at maging ng Philippine National Police  ang pag-aresto sa mga consultant ng CPP-NPA ngayong pormal nang tinapos ng Pa­ngulong Rodrigo Duterte ang usapang pangkapayapaan sa komunistang grupo.

Ayon kay Atty. Arevalo, wala nang bisa ang  safe conduct pass na ibinigay noon ng gobyerno sa mga consultant ng CPP NPA NDF para pansamantalang makalaya, makabiyahe at lumahok sa isinusulong na usapang pangkapayapaan.

Nagbabala rin ang pulis at militar na madadamay sa pag-aresto ang sinumang mapapatunayang nagkakanlong sa NPA lalo’t itinuturing na nga­yon ang mga ito na terorista.

Ayon kay PNP Spokesperson Police Colonel Bernard Banac, mahigpit ang direktiba ni PNP chief PDGen. Oscar Albayalde sa regional police commanders lalo na sa mga lugar na may mga presensiya ng komunistang grupo na nag-ooperate na palakasin ang kanilang seguridad lalo na sa kanilang municipal police stations.

Tiniyak ng AFP  na paiigtingin  ang focused military operations sa mga lugar na may presensiya ng mga rebeldeng grupo kaya muling nanawagan si Arevalo sa mga NPA at militiang bayan na bumaba na ng kabundukan, sumuko at samantalahin ang mga biyayang ipinagkakaloob ng gobyerno sa mga nagbabalik loob.

Samantala,  tahasang inihayag ni Arevalo na natatakot si CPP founding chairman Jose Maria Sison na magtatagumapay ang isinusulong  na localized peace talk ng pamahalaan kaya nagkukumahog itong siraan ang programa.

“Alam po ninyo nakakatuwang, nakakainis, na nakakaawa ano po si Ginoong Sison sapagkat lahat po ‘yan ay sinasabi n’ya, sabi n’ya pagsasayang lang daw po ng panahon, pagsasayang daw po ‘yan ng pondong bayang, ang ginagawang peace negotiation na ‘yan sa local, sapagkat ‘yan daw po ay hindi magtatagumpay.

“Alam po n’ya na nagtatagumpay kaya nga  po ganyan ang kanyang ginagawa at patuloy n’yang sinisiraan ‘yang programang ‘yan, pero ang mga numero ay hindi magsisinungaling, sabi nga natin lampas nang labing-isang libo ang sumuko umpisa pa lamang ng January of 2018 at sa taong ito lamang umpisa ng Enero hanggang ngayong Marso ay mahigit na anim na raan na ang nagsisuko,”  pahayag pa  ni Arevalo.      VERLIN RUIZ

Comments are closed.