LAGUNA- NADAKIP ng mga operatiba ng Highway Patrol Group-CALABARZON ang lider ng isang organisadong carnapping syndicate sa isang operasyon sa ilalim ng ” Coplan Ferdie” sa Baclaran, Paranaque City.
Kinilala ni CALABARZON HPG Director Col. Rommel Estolano, ang suspek na si Ferdinand Merlin Sy, Filipino-Chinese, 49-anyos at residente ng Newton Heights Subdivision, Biñan city, Laguna.
Hindi na nagawang manlaban ni Sy sa mga umarestong pulis matapos makorner habang sakay ng kaniyang kotse sa isang gasolinahan ng nasabing lugar.
Ayon kay Estolano, si Sy ay nasa talaan ng ahensiya bilang Most Wanted Person sa Region 4A dahil sangkot umano ito sa iba’t-ibang modus operandi kabilang ang Pasalo- benta, Benta at Bawi schemes kung saan biniktima nito ang 15 may- ari ng sasakyan na kinuhanan nito ng mga sasakyan at saka parang bilang nawala.
Ang pagkakaaresto kay Sy ay sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng tanggapan ni Judge Gil Jude Santa Maria Jr.presiding judge ng Regional Trial Court, branch 102 , ng Santa Rosa City, Laguna.
Halos dalawang taon na sinubaybayan ng mga tauhan ni Major Dante Aquino ,Laguna HPG director ang mga palihim na kilos nina Sy base na rin sa mga datos na ibinigay ng PNP Calabarzon.
ARMAN CAMBE