CALOOCAN CITY – ARESTADO ang leader ng isang notoryus criminal gang na sangkot sa drug trafficking at gun for hire activities at kanyang kasama sa isinagawang buy bust operation kanina ng madaling araw.
Ikinasa ng pinagsamang mga operatiba ng Regional District Enforcement Unit of National Capital Region Police Office (RDEU-NCRPO), Caloocan Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU), Quezon City Police Station 4 at Philippine Drug Enforcement Agency-National Capital Region (PDEA-NCR) ang buy bust operation kontra kay Rolando Arnaiz alyas “Lang-Lang”, leader umano ng Roban Valenzuela-Lang-Lang Arnaiz Gang, at David Montalvo alyas “Dave”.
Isinagawa ang buy bust operation bandang 12:15 ng madaling araw sa kanto ng Tullahan at Ignacia Roads, Brgy. Sta Quiteria, Caloocan city.
Ayon kay NCRPO Director Chief Supt. Guillermo Eleazar, naaresto ang mga suspek sa loob ng kanilang dark gray Mazda sasakyan na may plakang (ZHT-933) matapos iabot ang 100 gramo ng shabu sa undercover agent kapalit ng P680,000 marked boodle money na may P1,000 genuine sa taas.
Nang kapkapan, narekober pa sa mga suspek ang 10 plastic sachets ng hinihinalang shabu na aabot sa 250 gramo, boodle marked money na ginamit na buy bust, dalawang cal. 45 baril, mga bala at gray Mazda na umano’y ginagamit sa delivery ng ilegal na droga.
Umabot lahat sa 350 gramo ng shabu na tinatayang nasa P2,380,000 street value ang halaga ang narekober sa mga suspek.
Sinabi ni Gen. Eleazar, si Arnaiz ay may standing warrant of arrest na inilabas ni Quezon City Regional Trial Court (RTC) Judge Luisito Cortez ng Branch 85 para kasong murder, No. 1 most wanted person ng QCPD-PS-4 at target ng manhunt operation ng RDEU.
Si Arnaiz at kanyang grupo ay sangkot umano sa drug trafficking at gun for hire activities sa area ng Caloocan at Quezon Cities at kalapit na probinsiya ng Bulacan.
Kasong paglabag sa Sec 5 and 11, RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2001, at RA 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act ang isinampa ng pulisya kontra sa mga suspek sa Caloocan City Prosecutors Office. VICK TANES
Comments are closed.