LAGUNA – NASAWI sa panlalaban sa mga kagawad ng Provincial Intelligence Branch (PIB) at Calamba City PNP ang itinuturong Lider ng “Baying Drug Group” na napapabilang sa Regional High Value Individual (HVI) matapos ang ikinasang paghahain ng Warrant of Arrest na nauwi sa isang engkwentro sa Bgy. Parian, lungsod ng Calamba.
Batay sa ulat ni PIB Chief PMaj. Ryan Jay Orapa kay Acting Laguna PNP Provincial Director PCol. Serafin Petalio II, nakilala ang napatay na suspek na si Braian Alcasabas, y Heleleo, alias “Baying”, 33, residente ng nasabing lugar.
Sa imbestigasyon, dakong alas 12:30 ng hapon nang magsagawa ng pagsalakay si Orapa at kanyang mga tauhan sa lugar bitbit ang Warrant of Arrest kaugnay ng kinasasangkutang kasong Homicide ng suspek.
Bukod aniya dito, sangkot pa rin umano sa pagtutulak ng iligal na droga ang suspek kabilang ang patuloy na operasyon ng iligal na tupada sa lugar sa kabila ng mahigpit na ipinagbabawal ng batas.
Sa pamamagitan ng isang impormante, agarang nagkasa ng surveillance operation ang pulisya bago pa isinagawa ng mga ito ang pagsalakay.
Lumilitaw na habang aktong paparating ang pulisya sa lugar ng magtangka pa umanong tumakas ang suspek bago pinagbabaril ang mga ito na nauwi sa pagpapalitan ng putok.
Binawian nang buhay sa pinangyarihan ng insidente ang suspek bunsod ng tinamong ilang tama ng bala sa kanyang katawan samantalang wala naman napaulat na nasawi o nasugatan sa panig ng pulisya.
Narekober ng pulisya sa suspek ang ginamit nitong kalibre 45 baril, magazine at mga bala, isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa 30 gramo na may kabuoang street value na umaabot sa P625 libong piso at hinihinalang drug money na P8,700 piso.
Samantala, patuloy na kinikilala at tinutugis ngayon ng pulisya ang iba pang kasamahan ng suspek sa lugar at karatig na lalawigan. DICK GARAY