NAARESTO ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) sa pamumuno ni Director Chief Supt. Joselito Esquivel Jr. at mga tauhan nito ang lider ng Regajal drug pushing group at isa pa sa miyembro nito sa Cubao.
Kinilala naman ang suspek na si Sonny Boy Regajal, alyas Sonny, 39-anyos, ng No.138 Ermin Garcia, Brgy. E. Rodriguez, Cubao, lider ng Regajal drug group kabilang na ang isa sa miyembro nito na si Rebecca Officiar, alyas Bhe, 29-anyos, ng No. 11B Notre Dame, Brgy. Silangan.
Ang pag-aresto ay naganap bandang alas-8:00 ng hapon noong Lunes sa panulukan ng Ermin Garcia St., at Imperial St., Brgy. E. Rodriguez, Cubao.
Ayon pa kay Cubao Police Station Commander P/Supt. Giovanni Hycenth Caliao, naaresto ang suspek matapos ikasa ang buy bust operation ng PS 7 laban sa grupong Regajal at nakuha ang 28 pakete pa ng hinihinalang shabu at ang buy bust money na ginamit sa operasyon.
Dagdag pa nito, si Regajal ay isa sa target na kabilang sa listahan ng PDEA at dati nang inaresto ng PS 7 noong 2017 sa bisa ng warrant of arrest dahil sa kasong Arson sa Lawaan, Eastern Samar. Pinalaya ang suspek noong Enero 2018 at lumipat bilang illegal drug pedler, inaresto rin ang suspek noong Oktubre 16, 2017 dahil sa violation of Sec. 11 of RA 9165 na pinalaya noong Setyembre 24, 2018 at makaraan nito ay nananatiling sangkot sa pagbebenta ng ilegal na droga. PAULA ANTOLIN
Comments are closed.